Ang pagko-commute patungo sa opisina o eskwelahan ay talaga naman nakakapagod at posibleng maging dahilan ng pagkakaroon ng sakit dahil sa stress na nakukuha mo sa araw-araw na “routine” ng iyong pagpasok at pag-uwi mula sa iba’t ibang destinasyon mo. Minsan tuloy, pinoproblema mo rin kung paano ka makakarating sa iyong pupuntahan na buo pa rin ang iyong katawan at hindi pa naghuhulas ang iyong make-up at plantsado pa rin ang iyong damit lalo na kung nakikipag-unahan ka sa MRT at LRT o di kaya ay nakikipaghabulan ka sa jeepney at bus.
Ganun pa man, may mga “fashion” pa rin naman na aakma sa’yo kung ikaw ay kabilang sa mass commuter, para mapanatili ang iyong maayos na itsura araw-araw. Narito ang ilang uri ng damit na “swak” para sa’yo.
Dress – Kahit pa man nagko-commute, may mga akmang dress na pupuwede sa’yo, lalo pa at ikaw ay pumapasok sa opisina na kinakailangan mo talagang magsuot ng ganito. Pumili ng dress na hindi masyadong mahaba at hindi ka mahihirapan sa iyong pagkilos. Hindi rin naman sobrang ikli na maaari ka ng masilipan ng mga simpleng maniac sa daan. Magsuot ng dress na tama lang ang haba at komportable kang makakakilos kahit pa hindi ka sasakay sa isang “private car”.
Pants – Kung hindi ka naman talaga palasuot ng dress, marami naman uri ng pants na puwede mong isuot. Dapat lang ay mga uri ng pants na may “style” na magpapakita ng hugis ng iyong legs at katawan para maging “fashionable” kahit nakapantalon ka. Maaaring pumili ng mga printed pants at ternuhan ito ng plain blouse.
Komportableng paa – Hindi ipinapayo ang pagsusuot ng sobrang taas na takong kapag nagko-commute. Mas magiging komportable ang iyong paa kung pipili lang ng flat shoes na malambot sa paa. Sa ganitong paraan ay hindi mo pinagpipinitensiya ang iyong mga paa araw-araw.