AYAW pansinin ni Russell ang pagbabawal sa kanya ng tiyahin ni Avery; ipaglalaban ang karapatang makaugnayan ang dalagang nasa loob ng musoleyo.
“Pero, Madam, halos friends na kami ni Avery.”
Natigilan si Tita Soledad. Nagtaka. Paano nalaman ng lalaking ito ang ngalan ni Avery?
“Saan mo nahalungkat ang ngalan ng pamangkin ko?” usig ng mala-donyang babae.
“Ibinigay mismo po sa akin ni Avery, Madam.”
Namutla si Tita Soledad. Alam na posibleng malaking problema ang lalaking nakakakilala na pala kay Avery.
“Umalis ka na, huwag mo na kaming gambalain dito. This is a private property! Go away!”
“Hindi na muna ako magpipilit ngayon, Madam. Pakibigay na lang po kay Avery ang cookies na lutong-bahay. Nais na po raw matikman ni Avery.”
Natataranta na nang lihim si Tita Soledad. Hindi na nito malaman ang dapat gawin.
Dinampot ang nakaboteng home-made cookies. Nakasimangot na pinagsarhan na ng gate ng musoleyo si Russell.
“Huwag ka nang babalik sa musoleyo namin, young man! Kundi’y ipaba-ban na kita sa loob nitong memorial park!”
“Hindi mo puwedeng gawin ‘yon, Madam. Dito nakalibing ang mother ko,” tutol ni Russell habang palayo na.
Pero nagpahabol ng bilin. “Madam, huwag mong kalimutang ibigay kay Avery ang cookies!”
“Hindi ako malilimutin!” Nakasimangot na pumasok na ang tiyahin sa loob ng musoleyo, gamit ang sariling susi.
Sinalubong siya ni Avery, kinuha agad ng misteryosang dalaga ang cookies na mula kay Russell.
At parang gutum na gutom nang kumain ng maraming cookies, halos mabulunan.
“Oh, my God, Avery! Ako pala ang dapat magtanong-anong klaseng patay ka?” (Itutuloy)