SA PAKIKIPAG-USAP kay Avery, pilit inuunawa ni Russell ang magandang dalagang nagsasabing ito ay patay na.
“Avery, listen up, makinig ka sa sasabihin ko,” sabi ni Russell. “Nasa isip mo lamang ang iyong kondisyon...
“Ikaw ay...buhay, Avery. Buhay na buhay”.
“Russell, anumang sandali ay darating ang tiyahin kong mataray. Hindi ka dapat madatnan...”
Iba ang pananaw ng binata. “Avery, palagay ko makabubuti kung kami’y magkakausap ng tiyahin mo.”
“Gustung-gusto ko nang kumain ng cookies mo, huwag mo naman akong takamin. Iwan mo na diyan and go. Umalis ka na, please”.
Muling nilawakan ni Russell ang pang-unawa. “Hindi ko dapat salungatin ngayon ang nais ni Avery. Baka lalo lang siyang maging mailap sa akin”.
“Okay, Avery, iiwan ko na dito sa labas ng pintuan ang cookies. Pero babalik ako, soon. Marami tayong pag-uusapan”.
Hindi naman umimik si Avery. Hindi nagsabi ng OO pero hindi rin sumagot ng HINDI.
Hustong paalis na si Russell, nasa gate na ng musoleyo, nang tiyempong dumating ang puting Cadillac.
Huminto ang mamahaling American car sa mismong harap ng musoleyo.
Bago pa nakausad si Russell ay nakababa na ang sakay mula sa backseat. At sinita na siya nito.
Si Tita Soledad ni Avery. “Sino ka? Bakit ka pumasok sa gate namin?”
Hindi naman na-intimidate si Russell, hinarap ang may-edad nang babae.
“You must be a relative ng babaing nagkukulong sa musoleyo, madam,” nakangiting sabi ni Russell, tipong nakikipagkaibigan. “Pareho kasi kayong maganda.”
Nag-blush si Tita Soledad; weakness nito ang flattery, gustung-gustong napupuri ang kagandahan.
Pero nakabawi agad, muling nagsuplada. “Hindi ka allowed na basta papasok sa aming gate. Private property ‘to.”
“Kung gano’n, madam, humihingi na ako ngayon ng permiso ninyo.”
“Hindi. Bawal talaga dito ang ibang tao.” (Itutuloy)