Patay na ako, mahal (9)

“ANO na naman ba ang problema mo?” tanong ni Tita Soledad kay Avery. Mainit din ang ulo nito gaya ng dalagang laging nasa musoleyo.

“Dito tayo mag-usap, Tita Sol, huwag sa telepono!”

“Napaka-demanding mo naman. Meron akong lakad.”

“Kapag hindi ka dumating sa loob ng isang oras, Tita Sol, tinitiyak ko sa ‘yo, ako ay mambubulabog sa bahay mo!”

Sunud-sunod ang buntunghininga ng tiyahin. Buwisit na ito sa kakulitan ni Avery. “Hayy, naku.  Lagi mong pinasasakit ang ulo ko. Bakit kasi ayaw mo na lang magpakatutoo?”

Natigilan ang dalagang nasa musoleyo. “Ano’ng ibig mong sabihin, tita?”

Nagpakahinahon ang tiyahin.”Pupunta na ako diyan. Diyan tayo mag-usap, Avery. Ide-delay ko na lang ang lakad ko.”

ANG usapan ay darating ang tiyahin sa loob ng isang oras. Pero bakit wala pang 10 minutes ay may kumakatok na?

TOK-TOK-TOKK.

Naunawaan ni Avery na ibang tao ang nasa labas ng musoleyo. Napigil niya ang sarili, hindi umimik.

“Bangekngek, si Russell ‘to. Nandiyan ka pa ba?” tanong ng binata. Napihit na nito ang door knob ng Narra door ng musoleyo, alam nang naka-lock iyon sa loob.

Posibleng may tao doon, posible ring wala.

Sa loob, sa katarantahan sa presence ni Russell, natabig ni Avery ang pinggang nakataob sa mesa.

KRAASSPLIINK. Bumagsak iyon sa lapag na baldosa. Basag na basag.

Nahagip  ng tenga ni Russell ang ingay, natiyak na may tao sa loob ng musoleyo.

“Bangekngek? Hello? Ako si Russell, bati na tayo!”

Katahimikan. Nanatiling sarado ang pintuang Narra.

May fighting spirit si Russell. “Dinalhan kita ng home-made cookies, luto ng mommy ko!”

Napalunok si Avery. Kaytagal-tagal na mulang huli siyang makatikim ng home-made cookies.

Bigla ay gumaan ang kalooban ni Avery sa makulit na lalake. (Itutuloy)

Show comments