NAHIGA na nga si Avery sa kabaong niya sa loob ng musoleyo ng pamilya. Naroon ang nitso ng mga magulang, tiyahin at tiyuhin na sabay-sabay namatay sa plane crash isang buwan na ang nakalilipas.
Habang nakahiga sa kabaong, tumakbo na naman ang isipan ni Avery.
“Bakit wala pa ako sa nitso? Bakit narito pa rin ako sa ataul?”
Nakarinig siya ng ugong ng sasakyan, tumigil ito sa tapat ng musoleyo.
Alam agad ni Avery kung sino ang dumating. Definitely hindi iyon ang makulit na si Russell.
Si Tasing, ang maid. May sarili itong susi ng musoleyo.
Nahulaan din ni Avery ang dalang ulam ni Tasing. Matalas ang pang-amoy ng misteryosang dalaga.
“Sinigang na bangus sa miso”.
Bumangon si Avery mula sa kabaong, nakaramdam ng gutom. Alam niyang hindi siya nakikita ng mabait na katulong.
Inilapag ni Tasing ang pagkain sa munting dining table. Meron na doong malinis na plato at kubyertos.
Laging nililinis ni Tasing ang lugar na fully air-conditioned.
Muli ay nakumbinsi si Avery na hindi siya nakikita ni Tasing. Lagusan ang tingin nito sa kanya.
Pero sabik na sabik nang makipag-usap ni Avery sa buhay na tao. Ang pag-iisa sa musoleyo ay labis nang nakababagot.
Hindi siya kuntento sa diyaryong dinadala ni Tasing; nagsasawa na rin sa kapapanood sa telebisyon.
Kahit kumpleto sa musoleyo, iba pa rin kung may makakausap siyang mortal na taong tulad ni Tasing.
Kaso ay kabilin-bilinan ng Tita Soledad niyang huwag magpaparamdam man lang kay Tasing, baka raw mamatay sa takot ang overweight na maid.
Nang matapos sa gawain ay umalis na si Tasing.
Tahimik nang kumain si Avery, kasalo ang lungkot.
“Oh, God, mamamatay na ako sa lungkot,” naibulalas niya.
Saka niya naunawaang mali ang kanyang nasabi. “Patay na nga pala ako, hindi na mamamatay...”
Inubos niya ang sinigang sa miso. Kasunod ay nag-dial sa landine. “Kailangan may makausap akong taong buhay.” (ITUTULOY)