Patay na ako, mahal (2)
EWAN kung manhid ang isipan ni Russell nang mga sandaling iyon. Nasa tabi siya ng puntod ng ina, sa memorial park, hindi naramdaman ang presencia ng katabing magandang babae—si Avery.
Naaaliw ngang sinuri ng misteryosang babae ang guwapong katauhan ni Russell—mula ulo hanggang paa.
Natitiyak ni Avery na napakalungkot ni Russell.
“Mommy, gusto ko na pong mamatay na rin... para magkasama na tayo sa Paraiso,” bulong ng binata, thinking aloud.
Dinig iyon ni Avery, nakaunawa. “Nangungulila pala sa ina. Hmmm, Mama’s boy pala ‘to?”
Biglang tumayo si Russell, saka lang naramdamang may katabi pala siya.
“Aaahh!” Gulat na gulat ang binata, daig pa ang nakakita ng multo.
Nagulat din si Avery. Hindi inasahan ang reaksyon ni Russell.
Napailing ang dalaga, nagtataka.
Nakikita nga ba siya ng malungkot na lalaki? Nakipag-face-to-face siyang lalo sa kaharap, nais makatiyak.
“Who are you?” tanong nito sa kanya. Kung gayo’y nakikita nga siya!
Pero maririnig din kaya siya nito?
“Hello, hello?” sabi ni Avery, nakatitig sa lalaki. Nagre-react ba ito sa boses niya?
“Sino ka, miss? Tinakot mo naman ako...”
“Nakikita at naririnig mo ako?” pagkumpirma ni Avery, takang-taka.
“Oo, miss, nakikita at nadidinig kita. Malinaw ang mata ko, ang tenga ko ay matalas pa.
“Maganda ka at malambing kang magsalita,” mahabang sabi ni Russell.
“Meron ka bang 6th sense kaya nakikita mo ako?” Naghahanap ng rason ang dalagang nakaputing bestida.
Umiling si Russell, nawirduhan sa tanong. “Wala akong 6th sense, miss. Bakit kita hindi makikita, e, hindi ka naman invisible?”
Si Avery ay napaurong, nayanig sa sagot ng kaharap. Hindi raw siya invisible!
“Binibiro mo lang ako! Nanghuhula ka lang, namba-bluff na nakikita mo ako’t naririnig! Sinungaling ka!” (Itutuloy)
- Latest