Marami sa ating mga kalalakihan ang nababahala sa pagkawala ng kanilang buhok. Ang buhok kasi ay nakapagbibigay ng maayos na postura pero kung kapag napapanot na ay unti-unting nakakabawas ng self steam mapababae man o lalaki. Maaaring isa ka sa marami na gumugugol ng panahon araw-araw sa harap ng salamin habang maingat na sinusuri ang kanilang buhok. Ang mga lalaki at babae ay parehong interesado sa kanilang buhok, at kung minsan ay maaari itong pagmulan ng pagkabahala.
Mga impormasyon ukol sa ating buhok
Kapag katamtaman lang ang buhok may mga 100,000 hibla ng buhok sa iyong ulo. Ang isang hibla ng buhok ay patuloy na lumalago sa loob lamang ng dalawa hanggang anim na taon, hindi habang panahon. Pagkatapos ay nalalagas na ito, at pagkaraan ng isang yugto ng panahon ay tutubo ang isang bagong buhok sa butas ding iyon. Mga 70 hanggang 100 hibla ng buhok ang normal na nalalagas araw-araw.
Ano ang sanhi ng sari-saring kulay ng buhok na ating nakikita? Ang kulay ng buhok ay pangunahing nakadepende sa rami at distribusyon ng itim na pigment na tinatawag na melanin. Ang melanin ay isang biological na pigment na makikita sa buhok, balat, at mga mata. Kapag mas marami ang pigment, mas matingkad ang kulay ng buhok. Habang nababawasan ang dami ng melanin, nagbabago ang kulay ng buhok mula sa kulay-itim hanggang sa kulay-kape o kulay-kalawang o blond. Kung wala nang melanin ang buhok, ito’y magiging makintab na kulay puti.
Ano ang sanhi ng uban?
Ang uban ay kadalasang basihan ng bilang ng edad. At ang puting buhok ay karaniwang makikita sa mga taong nagkakaedad na. Dumarami ang puting buhok kasabay ng pagtanda. Gayun pa man, bukod sa pagtanda, ang ibang mga dahilan ay katulad ng labis na pagdidiyeta. Nagkakaroon ng uban ay nangyayari anuman ang kasarian o likas na kulay ng buhok ng mga indibiduwal, bagaman ito ay higit na mapapansin sa mga may mas maiitim na buhok.