Ang babaing kinakain ang lahat (86)
ABALA ang desk officer ng police headquarters sa pagsagot sa telepono. Ang iba pang tauhan ay nakaalalay sa isang buy-bust operation.
Hindi tuloy alam na kinakain na ni Tatiana ang mga bilanggo.
Sa sandaling iyon ay nagbalik na sa dating anyo ang babaing kumakain ng lahat liban sa kapwa babae.
Naubos agad niya ang matabang bilanggo. At labis pa rin ang gutom.
“Kayo naman, dalawang tisiko! Giyaahh!”
AAHH! SAKLOLOHAN N’YO KAMIII!” patuloy na sigaw ng tatlong bilanggong nalalabi sa munting selda ng municipal jail.
Malas nila. Para nang piranha sa bangis at bilis ng pagkain si Tatiana. Walang tigil ang pagnguya at pagngasab ng matutulis na ngipin at pangil.
Isang walang pangalawang bangungot ang ginagawa ni Tatiana.
Ewan kung paano siya masusugpo ng mga tao, sa lalong madaling panahon; kaydami-dami na niyang kinaing tao.
Hindi nagtagal, sa loob ng ilang minuto, naubos ang mga bilanggo. Kaypula ng masaganang dugong kumalat sa kulungan.
“Gutom pa ako...” bulong ni Tatiana, naghahanap ng makakain.
Ang rehas ay nasabugan ng sariwang dugo. Masarap kay Tatiana ito; nagpapatakam sa babaing laging gutom.
Saglit pa’y ang mga rehas na bakal na ng selda ang kinakain ni Tatiana.
KLA-ANGK. TSALANGK. Tumutunog ang pagkain ni Tatiana sa bakal na rehas; parang kumakain ng malutong na tsitsaron.
Isang pulis ang napagawi sa kinaroroonan ng kulungan.
Nanginig-nagimbal ito sa nakita. “N-nawala a-ang kulungan...”
“MGA PULIS, DALI! MERONG HALIMAW DITOOO!” sigaw-takbong pagibik ng pulis, kitang naunahan ng takot at lagim.
Naalarma naman ang naroong kapulisan, sinugod ang lugar ng selda.
“Anak ng tupapaw, nasaan a-ang selda? S-sino ang babaing ‘yan?”
Si Tatiana ang ‘babaing ‘yan’; kita ng mga alagad ng batas na basambasa ng dugo ang bunganga nito.
“S-Sarge, siya ang umubos sa mga bilanggo natin... pati sa ating selda.”
Bago pa nakapagpaputok, sinagasa na ni Tatiana ang mga pulis; parang dinaanan ng super-typhoon. (MALAPIT NA ANG WAKAS.)
- Latest