SI TATIANA, ang babaing laging gutom at pangunahing kaaway ng batas, ay nasa katubigan-- sa ilalim ng San Juanico Bridge sa Kabisayaan.
Naglalaway siya sa gutom pero dinadaig ng paghanga sa pamosong tulay na napakahaba.
Nagbalik na si Tatiana sa dating anyo, hindi na kamukha ni Angelina Jolie.
Nagbabalik din sa isip niya ang isang image mula sa pinagmulang uniberso—sa mismong tahanan ng kanyang lahi.
Sa teritoryo ng ama niyang si Garnuk.
“Ito ang isa sa makasaysayang mga likha ng mga lumang inhinyero, anak,” sabi sa kanya noon ni Garnuk sa kanilang telechat; pag-uusap nang isip sa isip.
“Tatlong kilometro ang haba nito, isa nang landmark ng ating lahi”.
NGAYON nga ay nakatanaw sa San Juanico Bridge si Tatiana, pigil ang labis na gutom.
“Hindi ko maaatim na kainin ang tulay na ito, kapareho halos ito sa napakahabang tulay sa aming mundo.” sabi ni Tatiana sa sarili. “Maghahanap ako ng ibang pagkain”.
Mula sa ilalim ng tulay, umakyat si Tatiana sa ibabaw ng San Juanico.
Nakasuot siya ng summer dress, ang damit ng dalagang inagawan niya ng saplot noon sa Quiapo. Nakayapak siya, parang barefoot contessa na super-sexy ang anyo kahit nakadamit. Kaydami tuloy motorist ang napapatingin sa kanya, humahanga at naaaliw.
Ano ba raw ang ginagawa ng isang magandang babae at naglalakad nang walang sapin sa paa sa napakahabang tulay?
Isang guwapong motorista ang pumara sa tapat ni Tatiana. “Miss, gusto mong makisakay? Mabait ako”.
“Ako’y hindi mabait,” sa loob-loob ni Tatiana, nakangiti sa istranghero.
Sumakay sa kotse ng guwapo ang babaing laging gutom.
Mabilis sa chicks ang guwapo, playboy. Hinipo-pinisil agad sa hita si Tatiana, buong pagnanasa.
Bago nakarating sa dulo ng tulay ay sumigaw ang guwapo. “Aaahhh!”
Wala na, ubos na ni Tatiana ang guwapo; walang bakas na naiwan.
Si Tatiana na ang nagda-drive ng kotse nito, pakanta-kanta. (ITUTULOY)