KINAIN nga ni Tatiana ang ilalim ng cargo ship. Pinasok ng tubig ang barko. Bago natapos ang kalahating oras ay naubos na ng babaing laging gutom ang buong barko.
Nakatalon naman sa tubig ang mga tripulante, naging buhay na saksi sa kalagimang nangyari sa dagat, di-kalayuan sa pier.
Nairekord sa video ng media at iba pang mga tao ang unti-unting pagkaubos-paglubog ng barkong pangkargamento.
Ang mga international correspondents ay nagpadala ng report sa kani-kanilang bansa.
Naging sensational news sa buong mundo ang naganap na hiwaga sa pier ng ‘Pinas.
SI TATIANA ay dumighay nang napakalakas.
BURRP.
Dinig ito hanggang sa buong sakop ng North Harbor. Napalingon-napatanaw sa dagat ang mga nakarinig, nagtataka.
Sumalit din sa hangin ng kapaligiran doon ang malansa at sunog na amoy; ang lansa ay mula sa kinaing butanding at mga lumba-lumba at mga tao; ang sunog na amoy ay mula sa krudong nasunog at tumapon mula sa lumubog na cargo ship.
Lahat yata ng nasa pier ay nagsipagtakip ng ilong; ang iba ay halos masuka, nagrereklamo.
“Ano ba ‘yan? Makabaligtad-sikmura!”
“Pahiwatig ito ng kabulukang mula sa mga corrupt!”
ANG BABAING kriminal, si Tatiana, ay malayung-malayo na sa Manila Bay.
Super-bilis itong lumangoy patungo sa gitna ng ‘Pinas—ang Kabisayaan.
Mabilis pa sa ihip ng hangin ang paglangoy ni Tatiana, desididong huwag magpahuli sa mga taong may baril na nakamamatay.
Hindi pa rin nalilimutan ng babaing laging gutom na siya ay mapapatay kapag binaril sa ulo.
Sa tulong ng abilidad at magical power, narating ni Tatiana ang katubigan sa ilalim ng San Juanico Bridge. Humanga sa ganda ng pamosong tulay si Tatiana, naglaway. (ITUTULOY)