MADALI namang naituwid ang katotohanan tung kol kay ‘Angelina Jolie’. Natuklasan ng media na ang totoong Hollywood actress ay hindi nagpunta sa Manila; ito’y nasa abroad doing a movie, ayon sa publicist nito.
Nag-unahan sa pagbabalita ang iba’t ibang radio and TV network.
“Inuulit po namin, mga mahal naming tagasubaybay, hindi totoo na narito sa bansa natin ang sikat na si Angelina Jolie...”
“Kasalukuyang inaalam ng mga awtoridad kung sino ang babaing matagumpay na nameke kay Miss Jolie...”
“Ang masasabi ko lang sa isyu, mga kalahi kong bakla, kung sinuman ang hitad na pekeng ‘yon—sana ay magkita kami ng personal para makurot ko siya sa singiiit!”
Isa namang matinik na radio commentator ang may kakaibang paksa na konektado naman sa babaing umano’y kumakain ng lahat.
“Hindi po ako sang-ayon diyan, mga kabayan. Ang babaing kumakain ng lahat ay HINDI pa nakakain ng kapwa babae!
“Opo, mga kabayan, pawang lalaki at mga bagay-bagay ang kinakain ng babaing laging gutom—HINDI kailanman lumamon ng katulad niyang babae!”
Nakisali sa isyung ito ang isa pang radio station. “Bakit hindi kumakain ng babae ang babaing Enemy Number One? Abaa, siguro po ay merong kakatwang amoy para sa kanya ang mga kapwa babae! Super-bango ba o...super-baho?
“Your hula is as good as my hula, mga mars! Babuuu!”
SA PIER, nang mga sandaling iyon, si Tatiana ay nakalangoy na sa ilalim ng isang malaking barkong pangkargamento.
Hindi na mapigil ni Tatiana ang gutom, kailangan nang kumain.
KRALANK. KA-ANK. KRANTS. Tunog ito ng pagkagat-pagngalot ni Tatiana sa ilalim ng cargo ship.
Bago magkalahating oras ay pinasok na ng tubig ang engine room ng barko. Gumewang agad ito.
Nataranta sa takot at sindak ang mga tripulante, buong akala ay sinabotahe na sila.
“Aaahhh!” Nagtalunan sa tubig ang mga tripulante.
(Itutuloy)