Ex-bilanggo ang bf

Dear Vanezza,

Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Restee, 19, college student. Mayron akong bf. Siya ang first serious bf ko dahil nakita ko sa pagkatao niya ang katapatan at lahat ng katangiang hanap ko sa lalaki. Tawagin na lang natin siyang Boy. Family driver namin siya. Tutol sa kanya ang aking mga magulang hindi dahil siya ay driver kundi dati siyang bilanggo. Apat na taon siyang nakulong sa Bilibid sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Sa kabila nito ay ayaw sa kanya ng aking mga magulang kaya pinalayas siya. Masamang-masama ang loob ko at gusto ko nang maglayas sa amin. Pati pag-aaral ko ay hindi ko na mabigyan ng tamang concentration. Sana’y matulungan mo ako.

Dear Restee,

‘Wag kang magdamdam sa iyong mga magulang dahil hangad lang nila ang iyong kabutihan kaya ganoon na lang ang pagprotekta nila sa’yo. Kung mahal ka ni Boy hindi siya basta susuko. Gagawa siya ng paraan para ipaglaban ang pag-iibigan ninyo. Hindi man ito ang nangyari, hindi mo dapat hayaang maapektuhan ang iyong pag-aaral. Napakahalaga ng edukasyon dahil pundasyon iyan ng iyong magandang kinabukasan. Bata ka pa at marami pang oportunidad na darating sa’yo kaya huwag mo sanang sirain ang iyong sarili. Kung si Boy ang kapalaran mo, kayo pa rin ang magkakatuluyan sa bandang huli.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments