Laging inuutangan ng gf

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Treb, 24, bagger sa isang mall sa Pasay. Bago pa lang akong nagtatrabaho rito nang makilala ko si Shane, kahera namin. Nagpakita siya ng motibo sa akin at mula noon ay madalas na kaming kumain sa labas hanggang sa magkaroon kami ng relasyon. Pero nakahalata ako sa kanya. Lagi niya akong inuutangan. Utang na wala ng bayaran. Kesyo may sakit ang tatay, nanay o kapatid niya. Alam naman niya na pareho lang maliit ang sahod namin. Noong una’y pinalampas ko dahil gf ko naman siya. Pero nagsisimula na akong tabangan sa kanya kaya kinausap ko siya nang masinsinan at nakipag-break ako sa kanya. Umiyak siya at nagbantang magpapakamatay. Natakot naman ako at binawi ko ang sinabi ko sa kanya. Ano ang dapat kong gawin?

Dear Treb,

Tapatin mo siya na sa kabila na gusto mo siyang tulungan sa problema niya sa pamilya, hindi naman puwedeng sa lahat ng pangangailangan niya ay ikaw na lamang ang kanyang tatakbuhan. Pareho lang kayo ng sinasahod at hindi na sasapat ang iyong suweldo dahil mayroon ka ring pamilya na tinutulungan. Kung mahal ka niya, uunawain ka niya. Kung hindi pa rin siya magbabago, malinaw na ginagawa ka niyang “gatasan” at hindi ito maganda sa isang relasyon. Ipaliwanag mo rin na kung magpapakamatay siya dahil lang kakalasan mo, paano ang kanyang pamilya na umaasa sa kanya. Maaaring mahimasmasan ang gf mo kung mapagpaliwanagan mo nang husto. Nasa sa’yo pa rin ang desisyon.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments