Dear Vanezza,
Limang taon na po kami ng bf ko at inaapura na niya akong pakasal dahil ang pangako ko raw sa kanya ay sa sandaling maka-graduate ako sa colege, magpapakasal na kami. Pero mayroon pa akong pinapaaral na dalawang kapatid at ako ang tumutulong sa mga magulang ko para makatapos sila. Sinabi ko po ito sa bf ko pero parang ayaw niya akong intindihin. Ito ang pinagmulan ng aming tampuhan at ngayon ay malamig na ang aming relasyon. Naawa ako sa mga kapatid ko dahil ako na lang ang pag-asa nilang makatapos. May edad na pareho ang mga magulang namin. Mahal ko ang bf ko pero mahal ko rin ang mga kapatid ko. Hindi ko puwedeng ipagbakasakali ang kanilang kinabukasan sa pangakong kahit kasal na kami matutulungan ko pa rin sila dahil hindi rin naman nakakaluwag ang pamilya ng bf ko. Ano po ang dapat kong gawin? Nalilito na po ako. - Kae
Dear Kae,
Kung mahal ka niya, mapagtitiyagaan pa niyang maghintay. Tunay na hindi mapanghahawakan ang pangakong tulong sa pamilya kahit kasal na kayo dahil siyempre ‘pag may sarili ka nang pamilya, ito ang unang bibigyan mo ng atensiyon. Higit na magiging maligaya ka rin kung tapos na ang obligasyon mo sa pamilya mo bago harapin ang pansariling kaligayahan. Maaaring naiinip lang ang bf mo kaya ka niya inaapura. Pero mauunawaan ka rin niya kung talagang mahal ka niya at dito mo siya masusubok.
Sumasaiyo,
Vanezza