Wala ng ibang ikinasisiya ang mga magulang kundi ang tagumpay na nakukuha ng kanilang mga anak. Maging sa anumang larangan, kagalakan ng magulan ang kanilang kasiyahan at tagumpay. Pero, hindi lang dapat sa katagumpayan matutotong humarap ang mga bata, dapat ay alam din nilang humarap sa kabiguan. Dapat mong tanggapin ang katotohanan na sa buhay hindi lang puro tagumpay, dumarating din ang kabiguan minsan. Narito pa ang ilang magandang dahilan kung bakit dapat mo rin turuan ang iyong anak na makatanggap ng kabiguan:
Paunlarin ang kanyang kakayanan – Bilang nakatatanda, alam natin na masyadong mahigpit ang kompetisyon sa mundong ito, kaya dapat na palaging handa ang iyong kalooban anuman ang maging resulta ng isang bagay sa buhay mo. Kaya upang unti-unti mong maipakilala sa iyong anak ang feelings ng pagkatalo, bakit hindi mo siya talunin paminsan-minsan sa mga board games. Ayon kay Christine Carter, director ng parenting programme sa The Greater Good Center, University of California-Berkeley, kung hindi makakaranas ng pagkatalo ang isang bata sa kanyang murang edad pa lamang ay tiyak na mas mahihirapan siyang tanggapin ito kapag siya ay nasa tamang edad na.
Turuan siyang gawing laro ang kompetisyon – Isipin mo na lang kung paano nai-stress ang iyong anak sa oras na siya ay sumasali sa mga kompetisyon. Bukod sa stress sa preparasyon, stress din siya sa pag-iisip at ekspektasyon na siya ay mananalo. Kaya naman importanteng turuan siyang tanggapin na okey lang kung matatalo siya dahil ang mahalaga ay naibigay niya ang kanyang “best”.
Maging mabait – Dapat na turuan mo rin ang iyong anak na maging mabait sa kapwa. Sa pamamagitan ng pagkatalo minsan sa mga kompetisyon, matututunan niyang maramdaman ang pakiramdam ng isang talunan. Sa ganitong paraan, magkakaroon siya palagi ng simpatiya sa kanyang kapwa.