Dear Vanezza,
Isa akong balo. Ang problema ko ay ang anak kong lesbian. Mayroon siyang inuwing babae na may anak, pero hiwalay sa asawa. Hindi ko siya tinanggap sa aming bahay dahil parang lalabas na kinukunsinti ko siya sa maling relasyon. Nagdesisyon siya na kung hindi ko matatanggap ang “nobya” niya, bubukod na sila ng tirahan. Alam kong lesbian ang anak ko at tanggap ko siya bilang siya pero hindi ko matanggap na may karelasyon siyang babae na ibinabahay niya at siya pa ang umaaktong ama ng tahanan. Ang tingin ko, pera lang ang hangad sa kanya ng babaeng iyon. Pero ang sabi sa akin ng anak ko, mahal niya ito at nagmamahalan sila. Ano ba ang dapat kong gawin? - Rose
Dear Rose,
Ginawa mo na ang parte mo bilang ina. Makabubuting pagbigyan mo na siya sa kanyang kagustuhan dahil kahit pilitin mo siyang magpakababae, hindi naman ito mangyayari dahil iba nga ang kanyang damdamin. Kung sa palagay mo pera lang ang habol sa anak mo, magigising din siya sa katotohanan. Kung ayaw niyang sundin ang pangaral mo, hindi ka na niya masisisi sa dakong huli.
Sumasaiyo,
Vanezza