“WHOEVER you are, miss, I love you!” Taos sa puso ang mga salita ni Dexter kay Tatiana. Ang huli ay nakatayo sa 2nd floor, pagkaganda-ganda sa minidress.
Kita ang magagandang long legs ng dalagang taga-ibang planeta.
Tipid ang buka ng bibig ni Tatiana, tiniyak na hindi makikita ang mga ngipin at pangil na matutulis.
“Ano ang name mo?” tanong niya sa binata.
“Dexter. Inaanak ako ni Ninang Sofia. Ikaw?...” Kung ano raw ang pangalan ng dalaga, tanong ni Dexter.
Napapalunok si Sofia. Kapag nagkatao’y kaydami niyang ipaliliwanag kay Dexter.
“Just call me Luna,” sagot ni Tatiana, ewan kung alam na complicated kapag nagsabi ng tunay na pangalan.
“Luna, kaygandang pangalan. Luna...”
“Lunatic. Hi-hi-hii!”
“Ha-haha! I like your sense of humor, Luna. Nakakaaliw!”
Unti-unti nang bumaba ng hagdan si Tatiana alias ‘Luna’. Talyada, parang reyna ang tindig.
Lalo namang nadagdagan ang paghanga ni Dexter. Tingin niya kay ‘Luna’ ay ang pinakamagandang dalaga sa balat ng Lupa.
Naupo sila sa sala set sa ground floor.
Pangiti-ngiti sila sa isa’t isa, tila nagkakahiyaan.
Pero hindi ikinahihiya ni Dexter ang damdamin. “Gaya ng nasabi ko na awhile ago, Luna, I love you and I want to marry you”.
Si Sofia ay naupo sa unang baytang ng hagdan, para nang mawiwiwi sa nerbiyos.
Natatakot nga si Sofia na bigla na lang kakainin ng kanyang anak ang kanyang inaanak.
Lihim tuloy siyang nagdarasal, humihingi ng awa sa Diyos. “Huwag Mo pong itulot na makain ni Tatiana si Dexter”.
Mabilis si Dexter, nahawakan agad sa kamay si ‘Luna’.
Hindi naman ito binawi ng dalagang alien. Nginitian pa nga si Dexter nang napakaganda.
It was a captivating smile, ngiting nagpabilis sa tibok ng dibdib ni Dexter.
Nais niyang halikan si ‘Luna’. (Itutuloy)