Hindi puwedeng diktahan ang anak

Dear Vanezza,

Isa po akong Fil-Am at may 25 years nang resident sa San Francisco, California. Narito ako sa Pilipinas para sa maikling bakasyon. Nais ko pong ihingi ng payo ang problema sa aking anak na lalaki na nakipagrelasyon sa isang Amerikana na halos kalahati ang edad sa kanya, 28 years ang agwat. May asawa po ang babae at 3 anak pero dinivorce niya ang asawang doktor para makapagsama sila ng aking anak. Halos himatayin sa galit at kahihiyan ang aking mister noon nang puntahan kami ng doktor na asawa ng babae at pagsabihan kaming sawayin ang anak namin sa pakikipagmabutihan sa kanyang asawa. Nang tawagang pansin namin ang aming anak, nagalit pa ito at sinabing mahal niya ang kanyang nobya at intensiyon niyang pakasalan ito. Sa ngayon nagsasama na sila ng babae. Ano pong maipapayo ninyo. - Cheri

Dear Cheri,

Bilang magulang, tungkulin ninyong itama ang anak kung may maling hakbang o desisyon siya na maaari niyang pagsisihan sa dakong huli. Pero dahil kayo ay nasa isang bansa na legal ang diborsyo at ang isang anak na lampas na sa 18 anyos ay may sarili nang disposisyon sa buhay, hindi na kayo masisisi kung ang anak ninyo ay nagkamali sa pagpili ng kakasamahin sa buhay. Pero huwag ninyong ganap na isara ang pinto ng reconciliation at bigyang puwang pa rin ang anak ninyo na makapag-isip pa kung talagang tama ang ginawa niya. Hindi  natin maipipilit sa isang anak kung ano ang gusto natin at hindi sila madidiktahan kung saan nila nakikitang liligaya sila.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments