Ano ang sanhi ng sari-saring kulay ng buhok na ating nakikita? Ang kulay ng buhok ay pangunahing nakadepende sa rami at distribusyon ng itim na pigment na tinatawag na melanin.” Ang melanin ay isang biological pigment na makikita sa buhok, balat, at mga mata. Kapag mas marami ang pigment, mas matingkad ang kulay ng buhok. Habang nababawasan ang dami ng melanin, nagbabago ang kulay ng buhok mula sa kulay-itim hanggang sa kulay-kape o kulay-kalawang o blond. Kung wala nang melanin ang buhok, ito’y magiging makintab na kulay puti.
Ano ang sanhi ng uban?
Ang uban ay kadalasang basihan ng bilang ng edad. At ang puting buhok ay karaniwang makikita sa mga taong nagkaka edad na. Dumarami ang puting buhok kasabay ng pagtanda. Gayun pa man, bukod sa pagtanda, ang ibang mga dahilan ay katulad ng labis na pagdidiyeta. Ang pagkakaroon ng uban ay nangyayari anuman ang kasarian o likas na kulay ng buhok ng mga indibiduwal, bagaman ito ay higit na mapapansin sa mga may mas maiitim na buhok.
Ang pagkakaroon ng uban ay hindi nangangahulugan na namamatay ang buhok. Sa katunayan, ang lahat ng nakikitang bahagi ng buhok ay talagang patay na. Bawat hibla ng buhok ay umaabot hanggang sa loob ng anit. Ang pinakapuno nito ay tinatawag na bulb at ito lamang ang bahaging buháy. Ang bulb ang nagsisilbing pagawaan ng buhok. Kapag nabubuo ang buhok dahil sa mabilis na paghahati-hati ng mga selula sa bulb, sumisipsip ito ng melanin, na ginagawa ng mga pigment cell. Dahil diyan, kapag huminto sa paggawa ng melanin ang mga pigment cell, ang buhok ay magiging puti.