NAGDURUGO ang puso ni Sofia sa habag sa anak habang minamasdan itong manginain ng bunton ng graba. Pakiramdam ng butihing ina-teacher ay napagmamalupitan nila ni Almario ang dalagang taga-ibang planeta.
“Tatiana, iha, ipagluluto kita agad ng sinigang at adobong baboy! Padating na ang inorder kong pork sa palengke!” “Mommy, kulang po sa’kin ang kalde-kaldero! Gawin mo pong kawa-kawa! Super-gutom po ako!” Hindi pa man nagluluto ay napagod na si Sofia. “Anak, hindi ako sanay magluto ng kawa-kawang pagkain...”
“No problem po, Mommy. Ako ang magluluto nang madalian.” “Talaga, Tatiana, kaya mong magluto...?” “Opo, babasahin ko sa utak ninyo ang recipe.” Ganoon nga ang ginawa ng babaing taga-ibang planeta. Parang nagbasa sa noo ng ina.
“Alam ko na po, na-memorize ko na pati timpla.” “Pero kokonti ang inorder kong pork at mga sahog.” “Kaya kong gawin ang ingredients. Mommy. Pati additional pork, ako’ng bahala.”
Ganoon nga ang saktong ginawa ni Tatiana. Pagdating ng inorder ng ina, pinarami niya agad ito. Inunang minadyik ang ingredients, pinadami ayon sa pangangailangan. Gaya nang dati ay namamangha si Sofia. Kitang-kita niya nang maglitawan mula sa wala ang mga ingredients. Kumuha ng kapirasong pork si Tatiana, minadyik din iyon. “Oh my God!” Nasaksihan ni Sofia ang biglang paglitaw sa lutuang mesa ng napakaraming laman ng baboy. Pati tamang dami ng taba ay di-nalimutan “A-ang kawa, anak... wala pala tayong kawa...”
Ang kawali ang minadyik ni Tatiana. Sa isang iglap ay naging kawa.
Nalunod na yata sa sunud-sunod na kababalaghan si Sofia, parang hapung-hapo na sumandal sa kalapit na sofa. May common sense si Tatiana, Sa isang sulok ng bakuran nagluto sa kawa, pakanta-kanta sa himig ng “Aawitan Kita.” “Kakainin kitaaa...’pag ikaw ay luto naa... “ (ITUTULOY)