TUWANG-TUWA nga si Almario na kumakain na ng graba si Tatiana. Napasunod niya ang babaing taga-ibang planeta and he feels great.
Sa dami ng nakabuntong graba sa kanilang looban, tiyak ni Almario na mabubusog ang babaing kinakain ang lahat.
Kapag naubos ni Tatiana ang isang truck ng graba, handa siyang magpadeliber uli; ang importante’y hindi makapinsala ng iba pang bagay si Tatiana dahil sa sobrang gutom.
Muling tinanaw ng ama-amahan ang anak ni Sofia. Nanginginain pa rin ito ng graba sa lawn.
“Mabuti na lang at mataas ang pader ng aming looban, hindi matatanaw ng sinuman mula sa labas ang ginagawa ni Tatiana,” sa loob-loob ni Almario.
Pero paano na ang damdamin ng kanyang misis? Kita niya si Sofia na labis na nagdaramdam.
Sobra ang sama ng loob sa kanya ni Sofia.
“Sofia naman... unawain mo ako. Pini-prevent ko lang na kung anu-anong mahalagang bagay ang kakainin ng anak mo.
“Nalimutan mo na bang pati ang napakakapal nating bibliya ay kinain niya? Holy Bible ang kinain ni Tatiana”.
“Almario, uulitin ko ba sa ‘yo na isip-baby pa si Tatiana? My God, wala pa siyang 2 months old!”
“Hindi iyon ang punto, Sofia. The point is nakakapinsala na ng tao ang anak mo kay Garnuk!” diin ni Almario.
Napaigtad si Sofia, iba ang dating sa kanya ng huling sinabi ng mister.
“Nagseselos ka kay Garnuk dahil binuntis niya ako? My God, Almario, ni hindi ko nakita ang pagmumukha ng Garnuk na ‘yon!
“At hindi kami nagsiping sa kama!”
“Nanghihinayang ka ba, ha, Sofia? Mas exciting ba sa ‘yo kung nagtalik kayo nang personal?”
PAK. PAK. Dalawang ulit na sinampal ni Sofia ang mister.
Si Almario naman ang pagkasama-sama ng loob. Hindi siya sanay na nasasampal ni Sofia.
“Doon ka na muna sa office mo sa downtown, Almario. Bahala na ako kay Tatiana. Huwag na tayong mag-away...”
Tahimik nang lumabas ng garahe si Almario, dala ang kotse. (Itutuloy)