Masarap magpaganda at karaniwan mukha lang ang napagtutuunan mo ng pansin. Hindi dapat kaligtaan ang pangangalaga sa iyong leeg, dahil tandaan, dito nakapatong ang iyong mukha. Pangit naman tingnan kung napakaganda at makinis ang iyong mukha, kung ang iyong leeg naman ay nangungulubot at nangingitim naman. Paano nga ba pangalagaan ang iyong leeg? Narito ang ilang paraan:
Maghilod - Dapat na i-exfoliate o maalis ang mga tuyong balat sa iyong leeg isa o dalawang beses kada linggo upang maiwasan ang pagkakaroon ng wrinkles nito. Sa ganitong paraan ay matutulungan mo ang iyong balat na magkaroon ng bagong skin cells kaya magmumukha kang bata at makinis.
Egg white pack – Kunin lang ang puti ng itlog at haluan ito ng kaunting honey o glycerine at saka batihin. Kapag lumambot na ang itsura nito ay saka ipahid sa iyong leeg. Nakakaputi kasi ito ng balat.
Oatmeal – Ihalo ang oatmeal sa puti ng itlog. Makakatulong ito para sumara ang mga pores sa balat ng iyong leeg. Ilagay ito sa loob ng 15-minuto at saka banlawan ng tubig na mula sa gripo. Mahusay ito sa oily skin.
Vitamin E – Imasahe ang iyong leeg ng vitamin E. Nagtataglay ito ng natural moisturizer na tumutulong para pa rin maging firm ang balat sa leeg. Makakatulong ito para hindi na mas lumalim ang guhit o wrinkles sa iyong leeg. Mahusay din ilagay sa paligid ng mata at bibig para hindi magkaroon ng fine lines dito.
Papaya – Para pa rin sa skin tightening ang prutas na ito. Magdurog nito o kaya ng saging at haluan ng puti ng itlog saka ipahid sa mukha pababa sa iyong leeg. Panatiliin ng 30-minuto saka banlawan.