TUMITINDI ang problema nina Sofia at Almario kaugnay si Tatiana. Ngayong malaki pa sa kanila ang babaing kinakain ang lahat kapag gutom, nangangamba ang mag-asawa kung ano ang susunod na mangyayari.
Hindi pa sila nakababawi sa ginawang pagkain ni Tatiana sa isang buong kotse sa parking lot.
Natapyas din ang bahagi ng bilog na narra dining table nila 3 days ago dahil nakatuwaang kagatin at kainin ni Tatiana.
Meryenda daw nito. Kundi pa sinaway ni Sofia, siguro ay naubos na rin ang antigong dining table.
Gayunma’y naubos ni Tatiana ang Lazy Susan, ‘yung naiikot na bilog na bahagi ng table.
“I’m bad, Mommy. Pati kasangkapan natin ay kinakain ko”. Luhaang nakikipag-usap si Tatiana sa ina.
At genuine ang pagsisisi ni Tatiana, hindi pakitang-tao lamang. “Mommy, sasabihin ko po sa aking amang si Garnuk na kunin na lang ako. Doon na lang ako sa aming uniberso”.
Kinilabutan agad si Sofia, bilang ina ay hindi niya matatanggap na mawawala sa piling niya ang anak.
“Huwag, Tatiana, don’t even think about it! Ikamamatay ko kapag bigla kang mawawala!”
Naawa naman si Tatiana sa ina. “Mahal kita, Mommy... kung puwede nga lang na pati ikaw ay dadalhin ko sa Kaharian ni Garnuk”.
“Diyan naman ako hindi papayag! Huwag na huwag mo talagang isasama ang misis ko sa inyong planeta!” gigil na tutol ni Almario.
Tinaliman ni Tatiana ng mata ang ama-amahan sa Lupa. Hindi talaga magkasundo ang dalawa noon pa.
Napaigtad si Almario, na-imagine na posible siyang kainin ng anak ni Sofia. Takot pa rin sa malagim na kamatayan ang ama-amahan.
“Mommy, kakausapin daw po ako ng aking ama.”
Napalunok si Sofia. “Paano mo nalaman, anak?”
“Mommy, naka-tune in po kami ni Garnuk sa parehong wavelength. Moderno ang aming sibilisasyon”.
“Ang sa inyo pong mundo ay isanlibong taon na napag-iwanan namin,” mahabang paliwanag ni Tatiana.
Napabuntunghininga na lamang si Sofia, hinayaan nang makausap ni Tatiana ang tunay nitong ama. (ITUTULOY)