SABI ng 6-footer nang si Tatiana kay Sofia, ang kanyang ama ay nasa itaas. “Du’n po siya nakatira, Mommy.”
Napalunok si Sofia. “Sa Langit ba, Tatiana? Sa Paraiso ng Diyos?”
Umiling agad ang napakatangkad na anak ng taga-ibang planeta. “Mommy, hindi po ang Diyos ninyo ang Diyos namin ng aking ama.”
Nakahinga nang maluwag sina Sofia at Almario. Hindi nila matatanggap na taga-Langit ang ama ng babaing kinakain ang lahat.
Pero bakit sa itaas nakaturo si Tatiana?
Di ba mas tama na sa ibaba? Taga-Impiyerno lang ang maaring maging ama ni Tatiana!
“S-sino ba ang iyong ama, Tatiana? Meron bang pangalan?”
“Garnuk! Anak ako ni Garnuk, Mommy!” may pagmamalaking sabi ni Tatiana.
Garnuk. Nagmarka agad sa diwa nina Sofia at Almario ang ngalan ng ama ni Tatiana.
SA BAHAY, hiningan nina Sofia at Almario ng detalye si Tatiana; alam na busog pa ito.
“Kaya mo bang idrowing ang iyong amang si Garnuk?” Iniabot ni Sofia ang papel at ballpen.
“Opo, Mommy.” Nagdrowing agad si Tatiana.
Ipinakita sa mag-asawang kapamilya sa mundo.
Nanlaki ang mga mata nina Almario at Sofia sa nakadrowing. Sa anyo ni Garnuk.
Tatlong doble ito sa anyo ni Satanas. Anim ang sungay sa noo! Anim din ang buntot! Anim na ulit na mas pangit sa Prince of Darkness!
Pansamantalang napipi sina Almario at Sofia, walang maitanong kay Tatiana—tungkol kay Garnuk.
“Itanong mo kung saan nakatira ang aking ama, Mommy, sige.”
“S-Saan nga ba, Tatiana?”
“Du’n! Sa ibang uniberso! Ang aking ama ang Hari du’n!” pagmamalaking muli ng babaing kumakain ng lahat.
Burrp. Minsan pa itong dumighay.
Klankk. Tumalsik mula sa bibig ang isang turnilyo ng kotseng kinain, obvious na hindi natunaw. (ITUTULOY)