Ito ay karugtong ng paksa kung paanong maiiwasan ang anumang aberya kapag ikaw ay namamasyal o nagta-travel sa ibang lugar na maituturing na “stranger” o hindi ka pa pamilyar. Narito ang ilang tips:
Masyadong masungit sa “airline employee” - May pagkakataon na dahil sa sobrang pagmamadali mo sa biyahe umiinit na ang iyong ulo kaya naman kahit hindi mo sinasadya ay nakakapagpakita/ nakakapagsabi ka ng hindi magandang salita o aksiyon sa mga empleyado ng airport gaya ng gate agents, phone representatives at baggage handlers. Pero, kahit gaano ka pa kataranta o ka-stress hindi dapat gawin ito dahil wala naman mangyayari, tiyak na hindi ka lang magkakaroon ng magandang araw kaya dapat maging kalmante
Magpapalit ng pera – Bago ka tumuloy sa iyong flight, dapat na ihanda mo rin ang perang (currency) gagamitin mo sa lugar na ‘yun. Halimbawa, kung sa Hong Kong ka mamasyal dapat na mayroon ka ng Hong Kong dollars, kung sa Thailand naman, dapat ay mayroon kang Thai Baht. May mga bansa o lugar kasi na kakaunti o halos walang money changer corner, hindi kagaya rito sa ating bansa. Isa ito sa pinaka importanteng bagay na hindi dapat kalimutan.
Umaasa sa pampublikong sasakyan – Masarap din naman makaranas na sumakay ng pampublikong sasakyan sa ibang bansa gaya ng tren, local bus. Pero dahil hindi mo pa rin naman kabisado ang sistema ng transportasyon dito, dapat ay mabigyan mo ang iyong sarili ng “option”. Bakit hindi mo subukang maglakad-lakad halimbawa, lalo na at malapit lang naman ang iyong pupuntahan. (Itutuloy)