Dear Vanezza,
Isa po akong single parent. Mayroon akong 5-yrs. old na anak sa pagkadalaga na itinataguyod kong mag-isa. Kahit papaano, nakakaraos kami ng aking anak sa negosyo kong buy and sell. Nagpapautang din ako ng patubuan. Kapag wala ako sa bahay, inaalagaan ng aking ina ang anak ko. Bale ako na rin ang kumakalinga sa nanay ko dahil patay na ang tatay ko. Nag-iisa po akong anak. Mula ng mabuntis ako ng bf ko at iwan, hindi na ako nakipag-boyfriend pa. Pero hindi maiiwasan na magkaroon ako ng manliligaw. Hindi ko pa naman ganap na isinasara ang puso ko pero natatakot ako na baka dumating ang lalaking mamahalin ko at lokohin lang uli ako. Dapat pa ba akong umibig muli? - Nymfa
Dear Nymfa,
Hindi pwedeng diktahan ang puso. Kung dumating ang lalaking iibigin mo, desisyon mo kung susundin ang iyong damdamin o hindi. Hindi masamang umibig pero maging matalino ka at wag magpadalus-dalos. Kilatisin mong mabuti ang ugali at pagkatao ng mga manliligaw mo at umiwas sa lalaking mapagsamantala lalo na’t may anak ka na dapat protektahan.
Sumasaiyo,
Vanezza