Kaibigan lang pala

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Kris, 20, college student. May bf po ako at 2 years na kami. Kilala na siya ng aking mga magulang at kapatid at para na siyang isang kaanak. Pero ni minsan hindi niya ako dinala sa kanilang bahay para ipakilala sa kanyang mga magulang. Nang tanungin ko siya kung bakit, sabi niya darating din ang tamang panahon. Pinalampas ko siya sa katuwiran niya. Minsan hindi sinasadyang nakita ko siya sa isang mall kasama ang parents niya. para siyang nabigla nang makita ako. Ipinakilala niya ako sa mga magulang niya bilang isang “kaibigan”. Syempre nagdamdam ako. Dahil sa nangyari ay nakipag-break ako sa kanya. Tama ba ang ginawa ko? Masakit sa akin na makipaghiwalay sa kanya dahil mahal ko siya. Ano po ang gagawin ko?

Dear Kris,

Posibleng mahigpit ang kanyang mga magulang at ayaw pa siyang makipagrelasyon kaya ganoon na lang ang takot niyang ipakilala ka sa kanila bilang nobya. Kung hindi ka kayang panindigan ng bf mo, tama lang ang desisyon mong makipag-break. Ngayon pa lang ay nakita mo na ang kanyang kahinaan. Baka kung siya ang mapangasawa mo, maging sunud-sunuran siya sa kanyang magulang, bagay na hindi tama sa isang haligi ng tahanan. Makakatagpo ka pa ng higit sa kanya.

Sumasaiyo,

 Vanezza

 

Show comments