Ang babaing kinakain ang lahat (5)
AYAW ngang maniwala ng mga co-teachers ni Sofia na si Tatiana ang bagong silang na baby niya.
Imposible raw na ang batang babaing nakatayo sa crib ay 2-day old pa lamang. Ano raw ba si Tatiana, anak ng higante?
Ayaw mapikon ni Sofia sa mga kapwa-guro. Nilamigan niya ang ulo. “Magsikain na nga muna kayo”.
Si Almario ay nakangiting nagse-serve ng pizza sa mga panauhin, hangga’t maaari ay ayaw ma-focus sa bata ang usapan.
“Lalo kang bumabata, Miss Tecson,” bola ni Almario sa gurong matandang dalaga, medyo tabachingching.
“Hi-hi-hiii! Hindi naman masyado, Almario! Sana meron kang kapatid na lalaki na single!”
Nagkatawanan ang mga kapwa-guro.
Ang mga handbag at shoulder bag ng female at bading na teachers ay wala sa loob na isinabit nila sa four corners ng crib ni Tatiana.
Signature handbags ang mga iyon. Hulugan sa Bumbay.
“Alam ninyo, guys, pabibinyagan ko na si Tatiana sa Linggo. Simple lang. Invited kayo”.
“Sa ceremony o sa reception?” pabirong tanong ni Sir Reyes.
Tawanan. “Ha-ha-ha. Hi-hi-hi”.
Biglang kumanta si Mrs. Aspiras. “Ako’y kampupot ... na super-kuripot... sa halamanan, pakembut-kembot....”
Lalong sumigla ang kainan. Napapangiting iniwan na muna sila ni Almario. May dapat ding gawin ang banker.
Uwian na nang sabay-sabay na namangha ang mga guro; nangagimbal.
“Eeeee! Ang mamahalin kong handbag, minarderrr!” sigaw ng bading.
“Ang mga bags din namin, halos naubos!” tutol nina Miss Tecson.
Nakita nilang may mga bahagi ng bags na nasa loob ng crib. Nagkapirapiraso. Si Tatiana ay tahimik lang. (ITUTULOY)
- Latest