Dear Vanezza,
Nagkahiwalay po ang aking ama at ina noong apat na taong gulang ako at hindi ko alam ang simula ng paghihiwalay nila ng landas. Nag-asawa agad si nanay. Ang akala ko noong una mabait ang amain ko. Pero hindi pala. Palaging lasing at ako ang laging napagbabalingan. Sa konting pagkakamali ay sinasaktan ako at lagi niyang sinasabi sa akin na lumayas na ako. Nang edad 12 na ako, nagpasya akong umalis sa bahay namin. Sumakay ako ng barko pa-Maynila mula sa Masbate at napadpad ako sa Divisoria. May nakilala akong isang ka-edad ko rin. Ipinakilala niya ako sa tatay niya. Inalok ako ng tatay niya na sa kanila na tumira para may makalaro ang kanyang anak. Noon ay edad 14 na ako at pumayag ako sa alok nila. Hindi nagbago ang kanilang pagtingin sa akin hanggang sa magbinata na ako. Minsan mayroon akong dinaluhang sayawan at hindi ko alam na ito ang pagsisimulan ng aking malungkot na buhay. Hindi sinasadya, nakadisgrasya ako ng tao kaya nakakulong ako ngayon. Gusto kong kamuhian ang aking mga magulang dahil sa pagpapabaya nila sa akin? Kinasabikan ko ang kanilang pagmamahal na hindi ko naramdaman kaya ako naligaw ng landas. - Nonoy
Dear Nonoy,
Huwag mo nang kamuhian ang iyong mga magulang sa pagkakahiwalay nila. Mayroong mga pangyayari sa ating buhay na hindi natin puwedeng kontrolin. Naglayas ka at ang kinasapitan mo ay ibayong problema dahil nakulong ka. Sikapin mong hanapin sila sa sandaling makalaya ka. Kahit may umampon sa’yo, iba pa rin ang kalinga ng magulang. Walang ibang tunay na makakaunawa sa iyo kundi ang iyong mga magulang. Hindi pa huli ang lahat. Good luck.
Sumasaiyo,
Vanezza