TUWANG-TUWA nga si Sofia sa bagong silang na anak. Tila hindi pansin ng ginang na nagbuntis lang siya ng ilang minuto, hindi siyam na buwan. Lalong hindi napansin ni Sofia na nagsilang agad siya nang walang kahirap-hirap.
“Natupad ang wish ko Almario! Panganay na babae, na tatawagin nating Tatiana!” Hindi pa rin maibulalas ni Almario ang pagtutol sa misis; na isigaw sa mukha nito na hindi siya ang ama ng isinilang ni Sofia,
“Ang galing-galing mong gumawa ng bata, Almario!” Si Sofia ay may kakaibang ningning ang mga mata.
Kinabahan si Almario. Ang misis ba niya’y nabaliw na?
“Almario, kami ng baby ay dapat linisin agad ng hilot! O kaya’y kumadrona! Napakarumi pa namin ni Tatiana!” Kitang nandidiri sa madugong puwerta si Sofia; gayundin sa baby na puro dugo pa at may nakakabit pang umbilical cord.
“Baka naghihintay tayo dito sa wala, Almario! Do something!”
Pero may mga padating na pala--kitang handang tumulong. Mga kababaihang tagaroon.
“Ako po si Kumadronang Tentay. Kami po ng mga kasama kong kababaihan ang bahala kay Misis,” mahinahong sabi ng kumadrona kay Almario.
Kahit paano ay nakahinga nang maluwag ang mister ni Sofia; damang mabubutng tao ang tutulong sa ginang.
“Kay-gandang bata nito,” nakangiting pansin ng kumadrona, kalong na ang sanggol na bagong silang. Nalugod ang puso ni Sofia. “Tatiana po ang pangalan niya, AlingTentay.” Dinala si Sofia at ang baby sa klinika ng kumadrona, doon nalinis at naayos ang mag-ina. Si Almario ay matiyagang nakabantay sa mag-ina; hindi pa rin masabi kay Sofia na iba ang ama ng isinilang ng ginang. “Anak si Tatiana ng taga-flying saucer. Anak ‘yan ng alien, Sofia...” Kung puwede nga lang bang ibulalas na ni Almario ang pagtutol.
Si Almario lang ang nakakaalam sa buong pangyayari. Ngayon naunawaan ng bank manager na truth is stranger than fiction; na ang mga tunay na pangyayari ay mas matindi sa kathang-isip lamang ng tao.
NAKABALIK naman nang maluwalhati sa bahay sa Manila sina Sofia, Tatiana at Almario. Nanatiling nasa dibdib lamang ng huli ang pagtutol sa batang bagong silang.
Para kasi kay Almario, walang business na tumira sa bahay nila ni Sofia ang anak ng alien; ang mula sa taga-ibang planeta ay hindi nila dapat kapamilya. “NASA crib si Tatiana, Al. Kamukha mo siya.” Kita ang kaligayahan ni Sofia. Si Almario ay bagong dating mula sa trabaho.
Pakitang-tao lang ang kunwari’y pagkagiliw din ni Almario sa baby.
Napansin agad ng mister ang panibagong hiwaga ng baby. “Jesus, lumaki agad siya. Para nang batang 2-year old!”
Hay, naku, Almario, dadalawin daw ako ng mga teachers mamaya! Maa-amaze sila sa ating anak!” Sobrang excited si Sofia. (ITUTULOY)