May mga masustansiyang pagkain na hindi natin namamalayan ay nagdudulot pa rin ng hindi magandang epekto sa ibang bahagi ng ating katawan. Narito ang ilan:
Gatas – Bagama’t mahusay pagkunan ng calcium ang gatas at nagpapatibay ito sa buto, hindi naman maganda ang epekto nito sa iyong ngipin kung hindi mo ito maagapan dahil posibleng maging sanhi ito ng pagkabulok ng iyong ngipin. Ang sugar na taglay ng gatas ay bumabalot sa iyong ngipin at nagiging sanhi ng cavities. Kaya naman maraming mga pediatricians na nagpapayo na hindi dapat matulog ang mga bata habang umiinom ng gatas sa feeding bottle. Sa halip dapat na magsipilyo ang mga bata pagkatapos na uminom ng gatas.
Chewable vitamins – Simula ng mauso ang chewable vitamins, hindi na pahirapan pang painumin ng vitamins ang mga bata, kaya lang naisip n’yo ba kung bakit naging masarap ang ganitong uri ng bitamina? Ito ay dahil madaming sugar ang taglay nito. Habang nginunguya kasi ang vitamins nito, sumisiksik ang mga sugar nito sa iyong ngipin at kung hindi agad makakapagsipilyo o makakainom ng tubig ay magiging sanhi ito ng pagdami ng bacteria sa iyong bibig. Mas mabuting uminom na lang ng syrup o tablet.
Citrus fruits - Mga prutas na maaasim. Makakakuha ka ng vitamin C sa pagkain ng mga maaasim na prutas. Ngunit kung ikaw ay acidic maaaring magdulot ito sa’yo ng sakit at kung hindi rin agad iinom ng tubig, magiging sanhi pa rin ito ng pagkabulok ng ngipin. Maging ang mga juices na may iba’t ibang uri ng flavor ay dapat na hindi rin palagiang inumin ang mga ito dahil mawawalan ng pagkakataon ang iyong laway na magtrabaho sa iyong bibig at natural na hugasan ang iyong mga ngipin.