SA RECOVERY room, tahimik na nagmulat ng mata si Miranda. Nakita niya agad ang multo ni ‘Padre Tililing’, buong pagmamahal na hinahaplos siya sa buhok at sa pisngi.
Nakita rin niya si Simon, aantuk-antok na nagbabantay, nakaupo sa isang arm-chair.
“Carlo... lagi mo talaga akong mahal...” napapaluhang sabi ni Miranda, hawak ang sinapupunan. “Pero ayoko na yatang mabuhay... ngayong wala na ang anak ko...”
“Miranda, may bukas pa naman. Maaaring makagawa uli kayo ni Simon ng bata”.
Umiling ang dating matigas na smuggling queen. “Dama kong may iba akong sakit, Carlo. Grabe na. Bilang na ang araw ko sa mundo”.
“Miranda, huwag kang magsalita nang ganyan”. Walang kakayahan ang multo na alamin ang sakit ni Miranda, kung meron man.
Meron nga. Kanser sa obaryo, ewan kung paanong nasa last stage na nang maramdaman ni Miranda.
Napaigtad si Simon, nakitang nagsasalita si Miranda, nahulaang si ‘Padre Tililing’ ang kausap nito.
“Miranda, itaboy mo ang hayup na ‘yan! Kalaban ‘yan ni Lord!” sigaw ni Simon, si ‘Pad-re’ ang tinutukoy.
“Simon, n-nag-uusap lang kami—inaalalayan ako sa oras ng aking paghihirap. May napa-kalubha akong sakit”.
Tama si Miranda. Sa pagsusuri ay natuklasan ng mga duktor na talamak na ang kanser ng pasyente. Kung papalarin, mamamatay ito anumang oras; kapag minalas, matagal-tagal pang pahihirapan ng kirot.
Parehong hindi matanggap nina Simon at ‘Padre Tililing’ ang kapalaran ni Miranda; na ito pala ay paalis na sa mundo ng mga mortal.
“Fight, fight!” giit ni ‘Padre’.
“Miranda, mababaliw ako kapag iniwan mo...” luhaang bulong ni Simon sa asawa.
Hinaplos ni Miranda ang buhok ng mister. “Ang ispirito ko ay ayaw nang manatili sa mundo, Simon. Dalawin mo sana lagi ang puntod ko”.
“Hindi ka sabi mamamatay, Miranda! Bawal kang mamatay!”
“Pero pinahihirapan na ako ng labis na sakit at kirot, Simon”. Kita ang matinding paghihirap ni Miranda.
Awang-awa sina ‘Padre’ at Simon, parehong walang magawa.
Nagdarasal si ‘Padre Tililing’, na sana’y matapos na ang paghihirap ng babaing pinakamamahal.
Si Simon ay natuto na ring dumalangin. “Panginoong Diyos, tulungan Mo po si Miranda. Bahala na po Kayo kay Miranda”.
NAGPASYA na ang Langit, binawi na ang hiram na buhay ni Miranda.
Ang mga ari-arian niyang galing sa smuggling ay nabawi ng pamahalaan.
Si Simon ay dumalaw sa libingan ni Miranda pero ilang araw lang; nag-asawa ito ng babaing ang ngalan ay Miramar. Sa mga gabing sumunod, at hanggang ngayon, sa libingan ni Miranda, naririnig ang panaghoy ni ‘Padre Tililing.’ “Hu-hu-huyy... hu-hu-huyy.” (WAKAS)
(Up Next: “Ang Babaing Kumakain ng Lahat!”)