The ghost of ‘padre tililing’ (73)

 NARAMDAMAN ni Simon ang presence ng multong ayaw magparamdam; ewan kung paano. Wala naman siyang ESP o extra sensory perception.

Siguro’y nanghula lamang si Simon. “Narito ka na naman ba, Carlo Tililing?” ulit ni Simon, iginagala sa room ang mga mata, nakikiramdam.

Siguro’y may kapilyuhan din ang mabait na multo. Biglang kinurot si Simon sa singit.  “Araaay!” sigaw ni Simon, napaigtad.

At nakadama ng inis. At ng takot. “H-huwag kang lalapit... meron akong baon na agua bendita! U-umalis ka na!”

Mali. Lalo lang itong nagpatindi sa bibihirang kapilyuhan ng ‘padre’.

 Muling kinurot si Simon-- sa puwitan naman.

“Araaauyy!” Hawak ni Simon ang pigi nang mapasukan ng nurse. “Sir, bawal po ritong magsisigaw. Ano po ba ang problema?”

Nakilala agad ni ‘Padre’ ang nurse na maganda. Ito ang nakikipaglandian sa duktor na may asawa na; ito ang babaing nagtataksil din sa boyfriend.

 “N-nurse, n-nagsisigaw ako dahil m-may multo!”

Namutla ang nurse. Kanina ay nakita rin nito at ng duktor ang multong lalaki. “N-narito na naman ang multo?  N-nakita mo rin, ser?”

Naalala ni Simon ang patakbong paglabas kanina ng duktor at nurse. Tinakot din pala ang mga ito ni “Padre’, naunawaan ni Simon.

Naalala nito ang baon na holy water o agua bendita.

Mabilis na inilabas iyon saka iwinisik sa paligid. “In Jesus’ name!”

 Nawisikan pati ang nurse, tinamaan sa mukha. “Ser naman, hindi ako...”

“Lumayas ka na, Tililing! Layaass!”

Nawisikan naman ni Simon ang multo ng ‘padre’. Pero walang epekto ang holy water. Ang agua bendita ay hindi para sa kakampi ng Diyos.

 Samantala, nanatiling tulog sa hospital bed si Miranda dahil sa pampatulog na ininiksiyon dito. Wala itong kamalayan sa nagaganap.

Napatingin sa nurse si ‘Padre Tililing’. Dapat din itong muling takutin.

 Kinurot ito ng multo sa singit, sa loob ng suot nito.

“Aaaah! Eeeee!” sigaw-tili na naman ng malanding nurse. Lumabas na agad, nagtatatakbo.

Hanggang sa maubos ang holy water, nanatili sa room ang ‘padre’.

Nakiramdam si Simon, tiwalang naitaboy na ang karibal kay Miranda.   

SAMANTALA, nag-report na sa immediate superior ang malanding nurse, umiiyak na nakiusap na ilipat na lang ito sa ibang ward.

Ayaw namang maniwala ng nakatataas. Kathang-isip lang daw ng nurse ang multo. “Kulang ka siguro sa paligo. Baka naman kulang ka sa tulog”.

Umiiyak na tumanggi ang nurse, isinumpang talagang may nagmumultong lalaki sa partikular na ward. Sa kinahihigaan ni Miranda, hinahaplos na ito ni ‘Padre’ sa noo at pisngi—at walang kaalam-alam si Simon. (ITUTULOY)

Show comments