Dear Vanezza,
Ako po ay may nobya at balak na po namin magpakasal. Ang problema, kasal siya sa dati niyang asawa. Sila ay hiwalay na ng isang taon bago pa naging kami. Gusto man po naming mag-file ng annulment wala naman kaming sapat na pera. Ang pagmamahalan namin ay masasabi ko po na isang tadhana. Noong high school, naging magkasintahan po kami pero tumagal lang ito ng ilang buwan. Pagkatapos po noon ay wala na akong balita sa kanya. Makalipas ang 10 years muli kaming nagkita at nanumbalik ang aming pagmamahalan. Ngayon po masaya kaming nagsasama. Kahit po siya ay may tatlong anak na, tinanggap ko po siya ng buong-buo at ang mga anak niya na walang pag-aalinlangan at pagsisisi. Tanggap din po siya ng pamilya ko at ganundin po ako sa pamilya niya.Kung sakali man pong makasal kami balak ko po sana isunod sa apelyido ko ang tatlong anak niya? Ano po ang dapat naming gawin? - Gil
Dear Gil,
Kailangan pa rin na ma-annul ang naunang kasal ng iyong gf. Kahit hiwalay sila ay may bisa ang kasal sa unang asawa. Problema nga marahil ang pera para sa annulment pero iyan lang ang puwedeng gawin para walang “sabit” ang inyong magiging pagsasama. Kaugnay ng plano mong isunod sa apelyido mo ang kanyang mga anak, legal problem din iyan dahil mayroon silang ama na posibleng tumutol maliban na lang kung mag-uusap kayo at makukumbinsi siya sa gusto mo. Kumonsulta ka sa abogado sa problemang iyan.
Sumasaiyo,
Vanezza