Pagkain na, gamot pa

Sa panahon ngayon na mahirap ang buhay at napakamahal ng mga gamot kapag nagkakaroon ng sakit ang isang miyembro ng pamilya, dapat na nagiging wais ang mga misis para makatipid at magkaroon ng masustansiyang pagkain ang inyong pamilya. Dapat na pumili ng mga pagkaing magsisilbi ring gamot sa sumasakit na bahagi ng katawan. Narito ang ilang uri ng pagkain na masarap na, gamot pa:

Red Bell Pepper – Bago ka pa man tuluyang bumili ng gamot laban sa paninigas at pananakit ng iyong mga kasukasuan, buto at likuran, bakit hindi mo muna bisitahin ang iyong kusina. Maaaring ang red bell pepper ay nasa refrigerator mo lang. Dahil sa mataas ang taglay na vitamin C,  matutulungan ka nito na makaiwas sa pagkakaroon ng sakit na arthritis. Mayroon din itong taglay na “beta-cryptoxanthin” na tumutulong upang lumaban ang iyong katawan na makaramdam ng sakit o kirot. Mahusay na ihalo ang red bell pepper sa salad at omelet.

Kamote – Ang kulay orange at dilaw ng kamote ay mayaman sa beta-carotene, isang malakas na anti-oxidant na lumalaban para mapigilan ang pagkasira ng cells sa katawan. Para makakain nito ng regular, ihalo ang kamote sa pancake o di kaya ay maghiwa ng katamtamang kapal at saka ihawin bilang side dish sa pagkain.

Luya – Ang mabango at masarap na flavor ng ugat ng luya ay mahusay din bilang anti-inflammatory o sa pamamaga ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Mahusay din itong gamot sa pananakit ng tiyan. Kung pakiramdam mo ay may namamaga o nanakit kang bahagi ng katawan, maglaga lang ng luya o ugat nito, maaaring haluan ng isang kutsaritang honey at saka inumin.

Show comments