Pinikot lang ang mister?

Dear Vanezza,

Bagong kasal lang kami ng asawa ko. Pero maasim na ang relasyon namin at hindi ko alam kung matatagalan ko pa ang ganitong kalagayan. Nabuntis po niya ako at pinilit ko siyang magpakasal kahit tutol siya dahil nag-aaral pa kami pareho. Feeling niya pinikot ko siya dahil wala raw sa usapan namin na magpapakasal kami. Marami pa raw siyang plano sa buhay. Pero nakialam ang magulang ko kaya nakasal kami. Tinanggihan niya ang mga alok ng magulang ko na tumira sa bahay namin at bahala sa mga gastusin namin. Sa kanila kami tumira kasama ang mga kapatid niya na nag-aaral pa ang tatlo. Mahirap lang po sila. Huminto siya sa pag-aaral at naghanap ng trabaho. Naging pabigat lang din ako sa kanila. Nararamdaman ko na pinahihirapan niya ako para tuluyan nang makipaghiwalay sa kanya. Gusto ko nang umuwi sa amin. Hindi ko masabi ang kalagayan ko sa aking mga magulang dahil ayaw ko nang lumala ang sitwasyon at pati sila ay mamroblema. - Chie

Dear Chie,

Dumaranas pa ang asawa mo ng matinding epekto ng hindi niya matanggap na “pikutan”. Ang kalagayan nila sa buhay ang posibleng panguna­hing  dahilan kung bakit siya matabang sa relasyon ninyo. Gaya ng sinabi mo, mahirap lang sila at siya marahil ang inaasahan ng pamilya. Mag-usap kayo ng masinsinan ng mister mo. Ibukas mo na ang lahat na option niya kung talagang hindi niya matanggap ang pangyayari. Pero makabubuting bigyan mo pa siya ng tsansang makapag-isip at makita niya ang bago niyang responsibilidad bilang asawa at ama.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments