“The more, the merrier”. Ito ang madalas na kasabihan ng mga taong “friendly”, mas masaya sila kapag mas maraming kaibigan. Kaya lang minsan hindi maiiwasan na kahit pa magkakaibigan ay nagkakaroon ng kiskisan. Ito ay dahil na rin sa pagkakaroon ng iba’t ibang ugali ng bawat isa. Ngunit dahil sa magkakaibigan kayo, dapat na matutong mag-adjust ang isa’t isa para mapanatiling buo ang barkada. Paano mo nga pakikisamahan ang iyong mga kaibigan na iba’t iba ang personalidad? Narito ang ilang uri ng kaibigan na dapat mong malaman:
Ang kaibigan mong laging “late” – Mukhang lahat naman ay nagkakaroon ng ganitong uri ng kaibigan. ‘Yun tipong lahat kayo ay nagmamadaling makarating ng tamang oras sa lugar na inyong paghihintayan. Kaya lang pagdating mo naman ay maghihintay ka rin pala ng ilang oras dahil may isa kang kaibigan na palagi na lang “late” sa usapan. Kaya naman dumarating ka rin sa oras na nauubusan ka nang pasensiya sa kanya. Ang dapat mong gawin sa ganitong uri ng kaibigan ay iwasan siyang imbitahan sa mga gimik na mayroong limitasyon sa oras. Gaya ng panonood ng concert o movies. Humanap ka na lang muna ng ibang kaibigan na madaling kausap pagdating sa oras. Kung ang late comer friend mo naman ang gusto mong makasama, ayain mo na lang siya sa isang restaurant na may katapat na bookstore o mall para kung paghihintayin ka niya ay hindi ka naman uugatan sa isang tabi lang. (ITUTULOY)