Ito ay karugtong ng paksa kung anu-ano ang magiging epekto ng puyat sa iyong katawan. Narito pa ang ilan:
Problema sa pagmamaneho – Ang fatigue ay isa sa mga dahilan ng mga aksidente sa kalsada. Ayon sa isinagawang pag-aaral noong Abril 2013 sa Virginia Tech Transportation Institute, nagkakaroon ng pagkahilo ang isang taong kulang sa tulog kapag siya ay nagmamaneho. Kapag kulang din sa tulog, bumabagal ang driving instinct ng isang tao. Kaya kung may problema sa pagtulog, mas mabuting uminom ng 8 oz na tart cherry juice isang oras at kalahati bago matulog. Nagtataglay kasi ng melatonin ang inuming ito kaya nakapagbibigay ng 39-minutong sobrang pagtulog kumpara sa regular na haba ng oras ng iyong tulog.
Nakakapagpataas ng stress levels – Kapag kulang ng anim na oras ang iyong tulog, hindi nabubuo ang genes sa iyong katawan na pumipigil sa stress hormones na dumami. Sa research naman mula sa University of Surrey sa Guildford, England noong 2013, kapag puyat, mas mababa ang iyong emosyon kaya mas mabilis na makaramdam ng lungkot. Subukan mong alisin muna ng anumang stress sa iyong katawan bago matulog. Bakit hindi ka muna magbasa ng librong para sa’yo ay boring? Tiyak na aantukin ka rito.
Mahirap mag-isip – Hindi lang kasabihan na mahirap mag-isip kapag puyat. Totoo ito, dahil ang kawalan ng maayos na pagtulog ay nakakaapekto sa abilidad ng iyong utak na mag-isip at maglagay ng bagong impormasyon. Nakakatulong ang pag-inom ng mga inuming nagtataglay ng caffeine para ikaw ay manatiling alerto ngunit tiyak na mabagal pa rin na aandar ang iyong utak.