Dear Vanezza,
Mula po ng hindi ako siputin ng lalaking mahal ko sa araw ng aming kasal ay naging manhid na ako sa tawag ng pag-ibig. Buntis na po kasi ako noon at hindi pumayag ang aking mga magulang na hindi kami maikasal agad. Kapwa kami nasa huling taon sa college.
Ngayon malaki na ang anak namin at nakatapos na ako ng medisina. Marami nang mga binatang nanliligaw sa akin at tanggap nila ang aking nakaraan, pero parang kinupasan na ako ng interes sa mga lalaki.
Pero aminado ako na sa puso ko naroon pa rin ang ama ng aking anak. Siya pa rin ang mahal ko. At ngayon ay nagbabalik siya, humihingi ng tawad maging sa mga magulang ko.
Mahal daw niya ako at ang aming anak. Pero hindi ko na po gustong magtiwala. Dapat ko ba siyang tanggapin? -
Ikaw lamang ang makapagpapasya kung dapat mo pang tanggapin ang dati mong nobyo o hindi pagkaraan ng nangyari.
Suriin at timbangin mo ang tunay na nangyari sa naudlot ninyong pagpapakasal. Isangguni mo rin ng tungkol dito sa iyong mga magulang. Sa huli, tanungin mo ang iyong sarili bago ka magpasya.
Bagaman hindi naging maganda ang inyong nakaraan, nananatili pa rin ang karapatan ng inyong anak na mabatid kung sino ang kanyang ama kaya huwag mo itong ipagkait sa kanya.
Sumasaiyo,
Vanezza