Hindi na mahal ang asawa

Dear Vanezza,

Dati po akong OFW. Napilitan ako noon na mag-abroad dahil hindi ko matiis na nakikitang nagugutom at hindi nag-aaral ang aking mga anak. Mula noon hindi na rin nagtrabaho ang asawa kong lasenggo at mapagbuhat ng kamay.

Ok lang sana kahit wala siyang kayod basta alagaan niya ang mga bata. Pero hindi. Kahit ang mga kapatid niya ay sinabihan ako na iwan ko na lang siya pero ayaw kong magkaroon ng broken family.

Lalong nawala ang respeto ko sa kanya nang nabalitaan ko na nambabae siya sa lugar namin. Masama ba akong tao kung tuluyan ko nang kamuhian ang asawa ko danil sa kanyang mga ginawa? Napakarami ko nang hirap na tiniis mula nang magsama kami.

Masama rin bang maghangad na balang araw ay may magmamahal din sa akin ng totoo at matutulungan ako sa responsibilidad ko sa aking mga anak? - Mia

Dear Mia,

Hindi kita masisi at sa sobrang kalupitan ng asawa mo ay namatay ang amor mo sa kanya. Ngunit ang maghanap ka ng bagong magmamahal ay maituturing nating risky dahil baka mas masahol pa sa mister mo ang makuha mo lalu na’t marami ka nang anak.

Suwerte ka na lang siguro kung may iibig sa iyo nang tapat sa kabila ng iyong kalagayan at handang sustentuhan ang lahat ng pangangailangan ng iyong mga anak.

Kung desidido ka ng hiwalayan ang mister, dapat kang sumangguni sa abogado para sa tinatawag na marital annulment. Legal ang kasal mo sa iyong asawa at hanggang hindi nawawalang bisa ang kasal mo ay lumalabag ka sa batas kapg nakisama ka sa ibang lalaki.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments