The ghost of ‘Padre Tililing’ (53)
SINAWAY ni Miranda si Carlo a.k.a.Tililing. ”Huwag mong takutin si Aling Desta. Baka atakihin sa puso, malaking prublema.”
Napaigtad ang ‘padre’, abut-abot ang hingi ng dispensa.
“Sorry hindi ko sinadya. Hindi kasi ako automatic na nagiging invisible.”
“Para ka palang bumbilya na kailangan i-off at i-on, ha, Carlo?” Naaaliw na naman sa first love si Miranda.
“Bulungan mo si Aling Desta, Carlo. Sabihin mong ikaw ay friendly.”
Palambing ang pag-utos ni Miranda.
Si Aling Desta ay nais na yatang mapawiwi sa takot.
Hindi malaman kung uunahin ang pagtili o pagtakbo.
Kitang-kita ng katulong-tagaalaga na unti-unting naubos ang saging.
Hindi naman nito nakikita ang invisible ‘padre’.
Masunurin kay Miranda si Carlo. ”Aling Desta, multo po ako. Mabait.”
Napakasuwabe ng tinig ni ‘padre’, nagbibigay ng kapayapaan.
Nawala ang takot ni Aling Desta. “K-kaibigan ko na po ba kayo, Ser Multo?”
Tumingin muna kay Miranda ang ‘padre’, saka sumagot sa tanong.
“Opo, Aling Desta, magkaibigan na rin tayo. Gagamutin ko po ngayun din ang inyong rayuma.”
Para ngang naging miracle healer si ‘Padre’. Naalis agad ang rayuma ni Aling Desta.
Napaluha sa galak ang may-edad na katulong. Kaytagal na itong pinahihirapan ng pabalik-balik na rayuma. Ramdam ni Aling Desta na tuluyan nang nawala ang sakit.
“Carlo, maraming salamat. Lalo kitang minamahal,” walang prenong deklara ni Miranda, dinig ng tagaalaga.
“M-mawalang galang na po, Mam Miranda, Carlo po ang ngalan ng inyong multong kaibigan? Katukayo ng idol kong si Carlo J. Caparas?”
Natawa si Miranda, tumango. ”Yes po, Aling Desta.”
NAMASYAL sa tabing-dagat sina Miranda at ‘Padre’. Naging kapansin-pansin agad kay Miranda ang biglang kalungkutan ng multo.
“Carlo, ano na naman ang problema?”
Humigop muna ng hangin ang multo, saka nagsalita. “Miranda, naliligalig ako. Dahil sa pagmamahal mo sa akin, isang lalaking may legal na karapatan sa iyo ang nasasagasaan ko...”
Salag agad si Miranda. “Hindi ko na mahal si Simon!” (ITUTULOY)
- Latest