SA TANONG ni Miranda kay Aling Desta na ‘kung wala bang nagre-raid sa kanyang bahay sa aplaya, ang maagap na sagot ng tagapag-alaga niya ay ganito: “Dapat po ba ay ni-raid tayo, Mam Miranda?”
Nainis sa kainosentehan ni Aling Desta si Miranda. Para namang hindi alam ng may-edad nang katulong ang uri ng hanapbuhay nila?
Alam na alam naman nitong siya at ang mga tauhan ay umaasa sa kanilang smuggling activities!
“Huwag nga kayong magtanga-tangahan diyan, Aling Desta. Mula’t sapul, alam nating lahat na labag sa batas, ilegal, ang trabaho natin!”
Natameme ang katulong na tagapag-alaga, yumuko na lang.
Kinontak ni Miranda si Mang Tomas sa munting bahayan sa fishing village. “Makipunta ka rito ngayundin, Mang Tomas.”
Nakausap agad ni Miranda ito nang personal. “Kumusta na ho ang electrification sa lugar ninyo? Tuluy-tuloy ba?”
“Naku, opo Mam Miranda! Tuwang-tuwa nga ho kaming lahat doon—laluna ang mga bata! Nakakapakinig na sila ng radio nang one-to-sawa. Nagbibilihan din sila ng hulugang TV at pridyider!” Kita ang excitement ng simpleng mangingisda.
Panay naman ang buntunghininga ni Miranda, hindi masabi sa kaharap na pampasira sa kanyang ‘negosyo’ ang pagkakaroon ng kuryente sa tabing aplaya; na naiilang ang mga ka-deal niyang smugglers mula sa dagat.
Pinauwi na ni Miranda si Mang Tomas matapos bigyan ito ng pabuyang pera. Alam na alam ni Miranda na ang pera ang nagpapaikot sa kanyang mundo. “So what else is new?” muli niyang tanong sa sarili.
“Nada. Nothing. Walang bago, Bulok pa rin ang aking sariling mundo,”sagot ni Miranda sa sariling tanong. Nahaplos na naman niya ang sinapupunan. Nahabag siya sa isisilang na bata.
“Babaguhin natin ang mundo mo, anak,” bulong ni Miranda. (Itutuloy)