INULIT ni Miranda ang babala sa driver at mga pasahero ng provincial bus. “Narinig n’yo ba ako? Merong bomba sa ilalim ng bus at sasabog naaa!”
Mabilis na ihininto ng driver ang bus. Nagtalunan agad ang mga pasahero, nagsilayo. Kabilang na si Miranda.
“Dapa! Dapaaa!” sigaw ng konduktor.
Saglit pa, ang malakas na pagsabog ng bomba. BLAAAMM.
Nagkalasug-lasog ang bus, kasama na ang mga kargada at dala-dalahan ng mga pasahero.
“Hu-hu-hu-huuuu!” Isang ginang na buntis ang kaylakas-lakas ng hagulhol.
Dinaluhan ito ng mga kapwa survivors. Inalam ang problema.
Si Miranda ay putlang-putla sa takot. Sa unang pagkakataon ay kinatakutan niya ang kamatayan.
“Natamaan ba kayo, misis?” tanong ng driver sa buntis.
“Hindi ako nasugatan,” sabi nito sa pagitan ng pag-iyak. “Pero ang anak kong maliit, naiwan ko sa bus!”
Kinilabutan ang lahat, lagim na lagim sa sinapit ng batang pasahero.
“Oh my God...Diyos ko po namannn.” Hagulhol ni Miranda.
Siguro’y dama niya ang nakababaliw na dalamhati ng ina, ngayong siya ay buntis at magkakaanak na rin.
Niyakap ni Miranda ang nanay ng bata. Lalo itong nagpalahaw ng iyak.
Mayamaya’y tumawa nang tumawa. “Ha-ha-ha-haaa! Hi-hi-hi-hiii!”
Nais na ring pasalamatan ni Miranda ang nangyari. Ang taong baliw ay wala nang koneksiyon sa realidad. Hindi na maaalala ang anak na nasawi sa bus.
Di nagtagal, sumama na si Miranda sa mga pasahero, palayo na sa malagim na lugar. Maghahanap sila ng tulong, at siguro’y ibang masasakyan.
Malayo sa kabahayan ang pinangyarihan ng pagsabog. At laganap pa ang dilim ng gabi sa ilang na daan.
Akay nila ang nabaliw na nanay. Pakanta-kanta na ito. “O, tukso... layuan mo si Noy kooo...” (ITUTULOY)