Ang pagkakaroon ng sore throat o pamamaga ng lalamunan ay unang sintomas na magkakaroon ka ng sakit, nagdudulot ito ng hindi magandang pakiramdam lalo na kapag ikaw ay kumakain, tuloy nawawalan ka ng gana sa pagkain dahil sa masakit na paglunok. Ayon kay William Schaffner, MD, professor at chairman ng Department of Preventive medicine sa Vanderbilt University School of Medicine sa Nashville, Tennessee, karaniwang dulot ng sore throat ay bunsod ng viruses na normal na kusang gumagaling sa pamamagitan ng pamamahinga. Minsan naman ito ay dulot ng bacteria na tinatawag na “strep infection”. Kaya kung masyado ng nagpapahirap sa’yo ang pananakit ng iyong lalamunan, dapat na agad na kumunsulta sa doctor upang maagapan ang pagkakaroon ng kumplikasyon ng rheumatic fever.
Bagama’t panahon ng tag-init, maaari pa rin kapitan ng sore throat dahil sa virus na nasasagap na dulot ng mainit na panahon. Maaari naman remedyuhan ang sore throat kahit pa nasa bahay ka lang. Sa isang pag-aaral sa Pennsylvania State University, nadiskubre nilang ang pag-inom ng isa hanggang dalawang kutsaritang honey bago matulog ay makakatulong na panlaban sa pamamaga ng lalamunan at ubo. Ang honey ay may sangkap na dextromethorphan na siyang magbibigay ng magandang pakiramdam sa iyong lalamunan. Mayroon din itong anti-microbial ingredient kaya mahusay din itong panlaban sa ubo at sipon.
Maaari rin magmumog ng maligamgam na tubig na may sangkap na isang kutsaritang asin para maginhawahan ang iyong lalamunan. Uminom din ng vitamin C supplement upang mas lumakas ang immune system ng katawan na siyang lalaban sa mikrobyong nais kumapit sa iyong katawan.