Nilalason ang utak ng mga anak

Dear Vanezza,

Ang akala ko noon, magpapakatandang dala­ga na ako. Nabigo kasi ako sa pag-ibig at ayaw ko na sanang magtiwala uli sa mga lalaki. Pero nang pumanaw na ang a­king mga magulang at nagkaroon na ng kani-kanilang pamilya ang aking mga kapatid, at sa edad kong 45-anyos ay nakaramdam ako ng lungkot sa pag-iisa. Kaya nang may manligaw sa akin na 5 years ang tanda sa akin, hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Balo na siya at may 3 anak. Wala sana akong problema sa mga bata dahil mababait sila kundi lang sa kanilang lola na lumalason sa isip nila. Ipinamumukha nito na kakumpitensiya ako sa pagmamahal ng kanilang ama at ako ang dahilan para makalimutan ng kanilang ama ang namayapa nilang ina. Nauunawaan ko rin ang matanda na nangangambang itigil ng aking asawa ang sustento sa kanya. Pero ako mismo ang nagmungkahi na huwag itong ihinto. Sa kabila ng lahat, pinipigilan ko ang a­king sarili na magsumbong sa aking asawa tungkol sa hindi magandang ginagawa ng kanyang dating biyenan na nakakaapekto sa asal ng mga bata. Napamahal na po kasi silang lahat sa akin. Dapat po ba akong magsumbong sa asawa ko? - Louis

Dear Louis,

Hindi masama na hingin mo ang tulong ng asawa mo para maipaliwanag sa mga bata na ang kanyang pag-aasawang muli ay hindi nangangahulugan na kinalimutan na niya ang kanilang ina. Sikapin mo ring huwag kaligtaan ang mga okasyong dapat gunitain ng pamilya lalo na ng mga bata na may kaugnayan sa kanilang namayapang ina. Doblehin mo rin ang pang-unawa at pag-aaruga sa mga bata. Higit sa lahat huwag mo ipakita sa kanila na naiinis ka sa pakikialam ng kanilang lola. Makikita rin ng mga bata na mali ang bintang ng kanilang lola sa iyo. Insecure lang marahil ang lola kaya itinuturing ka niyang kaaway lalo na kung sa iyo mababaling ang pagmamahal ng kanyang mga apo.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments