MATAPOS umawit at manalangin na lahat ng biktima ng plane crash ay tanggapin sa sinapupunan ng Diyos, saka nakadama ng matinding pagod si Miranda.
Laganap na ang dilim, gabi na.
“Simon, ang tanging nais kong gawin ay matulog...matulog nang matulog...”
Natulog nga agad si Miranda pagdating sa bahay nina Simon.
Nadama ni Myrna ang hirap ng loob ng bagong hipag. Nakisimpatiya rin ang nanay ni Simon.
“Mabait na siyang babae, Simon, anak...”
Tumango si Simon. “Opo. At mahal na mahal ko na siya, Inay. Katumbas na po si Miranda ng aking buhay.”
Tumabi na kay Miranda si Simon sa higaan. Masuyo niyang hinagkan ito sa pisngi, hinagod sa buhok.
Mayamaya pa ay tulog na rin si Simon. Gayundin si Myrna at ang ina.
Malayang nakapasok ang hangin na panggabi.
May kasama na namang multo na natutuliro.
Ang multo ni ‘Padre Tililing’. “Bakit hindi pa ako makalayo kay Miranda, my Lord?”
Walang makapang sagot ang mabuting multo.
Isang tanong iyon na nanatiling tanong.
Nananaginip si Miranda, hindi niya kontrolado ang mga eksena sa panaginip na iyon.
“Carlo...” sambit ni Miranda habang natutulog.
Narinig iyon ni Simon. Mababaw ang tulog nito. Alam ni Simon na si Carlo ay si ‘Padre Tililing’.
Nadinig din ng multo ang sinambit ni Miranda. Natigilan ito.
“Carlo, ikaw pa rin ang tunay kong pag-ibig...my only love.”
Napaigtad si Simon sa narinig, nawala lahat ang antok.
Ang naghahari sa kalooban ay...labis na poot at sama ang loob kay Miranda.
Si ‘Padre Tililing’, nadama ang panganib na nagbabanta kay Miranda. Mula kay Simon.
Hawak na ni Simon ang karit na korteng letrang C Katulad ng karit ni Kamatayan. Kung siya ay papatay, Diyos lang ang nakakaalam.
“Make love to me, Carlo,” bulong ni Miranda—tulog na tulog pa rin. “Angkinin mo ang...pagkababae ko...”
“Aaaahhh!” malakas na sigaw ni Simon, sinakop na ng sagad na poot at panibugho.
Tsak. Tsak. Tsak. Tatlong ulit niyang sinaksak ang nasa higaan.
Saka humagulhol nang humagulhol. “Huu-huu-huuhuuu.” (ITUTULOY)