Dear Vanezza,
Nakilala ko po sa Facebook si “J”. Simula noon ay araw-araw na ang aming komunikasyon hanggang sa magkita kami. After one month, naging kami. At may nangyari na rin sa amin. Guwapo siya at macho. Kaya nahulog agad ang loob ko sa kanya. Ito’y kahit ipinagtapat niya sa akin na isa siyang callboy. Mahirap lang daw sila at hindi nakatapos ng pag-aaral kaya nasadlak sa ganoong trabaho. Pero nangako siya sa akin na mag-iipon ng pang-enrol para kahit 2-year course ay makatapos siya para maka-aplay ng trabaho at makahanap ng disenteng trabaho. Ang problema ko lang, sa tuwing makikipagkita na siya sa customer niya ay nasasaktan ako. Okey lang po ba na kahit mahal niya ako, ginagamit naman siya ng ibang tao?
- Kae
Dear Kae,
Tiyakin mo muna sa iyong sarili kung true love nga ba ang nararamdaman mo o physical attraction lang. Malaki ang kaibahan ng tunay na pag-ibig sa pagka-akit dahil sa panlabas na anyo. Nakilala mo lang din siya sa FB kaya hindi mo pa lubusang kilala ang kanyang pagkatao maliban sa kanyang trabaho. At dahil sa uri ng kanyang hanapbuhay, posibleng ma-expose ka sa mga sexually transmitted disease kung hindi ka mag-iingat. Huwag kang padalus-dalos. Mag-isip ka rin at huwag puro puso ang pairalin.
Sumasaiyo,
Vanezza