SABI ni Miranda kay Simon, gusto niyang maging ina; nais magkaanak. “Seryoso ako, Simon. Bigla’y nananabik na akong magkaroon ng supling.”
Naiilang na nagpalinga-linga sa park ng ospital si Simon. Meron bang pogi sa paligid na may karapatang magkaanak kay Mam Miranda niya?
Ayaw ni Simon na mamintas ng kapwa. Pero ang nakikita niyang mga lalaki ay kulang sa hitsura, hindi man lang guwapo—kulang sa height.
Hindi maatim ni Simon na bigyan ng maling lalaki si Miranda.
Nilingon niya si Miranda, tinanong. “M-Meron ba kayong...natitipuhan...?”
Nakangiting tumango ang magandang smuggling queen. “Meron na kanina pa, Simon. Itanong mo kung sino?”
“S-Sino ho, Mam Miranda?”
Ibinulong ni Miranda. “IKAW, SIMON.”
Nahulog sa kinauupuang park bench si Simon, nauntog ang noo sa matigas na gilid ng Ilang-ilang.
Ilang saglit ding nawalan ng malay si Simon. Mabilis naman naitayo ng mababait na tao, iniupong muli sa tabi ni Miranda.
“Naiinsulto mo naman ang beauty ko, Simon. Hindi ba pasado sa standard mo?”
Natatarantang dumipensa ang binatang tauhan. “Naku, sobra-sobra ho ang beauty ninyo, Mam Miranda. Ako po ang nanliliit. Isang simpleng smuggler lang po ako—tauhan ninyo.”
Ginanap ni Miranda ang kamay ni Simon, pinisil-pisil iyon—very tenderly.
Ang binata ay napapikit—sa nadamang luwalhati.
“Ako na ang nanliligaw sa iyo—pumayag ka na, sagutin mo na ako, Simon.”
Nasa mukha ni Simon ang magkahalong karangalan at panlilit. Magiging ama nga ba siya ng anak ng babaing labis niyang iginagalang?
“Say YES, Simon. Please.”
Natunaw na ang huling pader ng paninindigan ni Simon.
Tumango siya kay Miranda, may ningning na sa mga mata.
“Talaga, payag ka nang...anakan ako, Simon?”
Tumango ang binata, masuyong sinalubong ang mga mata ni Miranda. Nagkaunawaan ang kanilang mga damdamin.
Nagplano na agad sila. Paano ba gagawa ng bata? Saan? (ITUTULOY)