The ghost of ‘padre tililing’(28)

 “NARITO nga ba tayo, Simon?” nakatawang tanong ni Miranda sa matapat na alalay. Kasama sila sa malaking dining hall ng iba pang tao na nagsisikain.

Tumango si Simon. “Ang tanong po, Mam Miranda—paano nila tayo sisingilin sa lahat nating bayaran sa ospital? Kasama pong nawala sa dagat ang lahat ng dala nating pera at IDs.”

  “Oo nga. Alangan namang libre, wala nang libre ngayon...” sagot ni Miranda, palihim na dumighay.

Humingi si Simon ng cold rootbeer in can sa tagasilbi. Dinalhan naman agad sila nito ng dalawang lata ng partikular na softdrinks.

Mayamaya pa’y salitan na silang dumidighay na mag-amo. “Ha-ha-ha, life is funny. Akalain mong may mga simpleng bagay na nakapagpapasiya ng kalooban?” kaswal na sabi ni Miranda.

Tapos na silang kumain, magkasabay na patungo na sa hardin sa labas ng ospital. Sumagap sila ng sariwang hangin sa lilim sa mini-park.

Nanatiling nasa good mood si Miranda. “Siguro’y bulag o nagbubulag-bulagan ang mga pulis dito, Simon. Kundi’y bakit hindi pa ako dinadakip?”

“Ang nais ko pong malaman, Mam Miranda—tayo ba ay nasa sakop pa ng ‘Pinas?”

“Oo nga, ‘no? Hindi mukhang ordinar­yong Pinoy ang mga tao rito. Baka naman wala na pala tayo sa...mundo?”

Napakamot sa batok si Simon. “Mam Miranda naman, buhay pa ho tayo. At walang mga pakpak ang mga tao rito.”

“Wala ring mga sungay at buntot,” dagdag ni Miranda.

Saglit na tumahimik ang mag-amo, parehong nananantiya ng sasabihin.

“Simon, nagkalat ka ba ng lahi?”

Natawa ang binata. “Hindi po, Mam Miranda. Nagkaroon kami ng love affair ng kaisa-isa kong naging girlfriend—si Elinor-- pero hindi po kami nakarating sa bawal.”

Humanga lalo sa tauhan si Miranda. “Alam mo,  puwede kang kandidato sa hanay ng mga banal.”

Natawa ang binata. “Ayoko pa pong mamatay. Maganda pa ang aking buhay, Mam Miranda.” “Simon...gusto kong maging ina. Gusto kong magkaanak.”

(ITUTULOY)

 

Show comments