The ghost of ‘Padre Tililing’(26)

NASUMPUNGAN na lang ni Miranda ang sarili na sakay ng barko, kasama ang tapat na tauhang si Simon.

“Saan po uli tayo pupunta, Mam Miranda?” tanong ni Simon. Sakay sila ng isang pagkaluma-lumang barko mula sa Cebu. Parang magigiba ang sasakyang pantubig anumang sandali.

Madilim pa naman ang gabi. Ang sinasakyan nina Miranda at Simon ay kulang na kulang sa ilaw.

Ang sirena nito o busina ay paos, halos hindi maririnig ng mga kasalubong. Kung gayo’y posibleng maganap ang malaking sakuna; maaaring mamatay ang higit sa 200 tao na lulan.

“Simon, kinakabahan ako. Nasa tapat tayo ng pinakamalalim na bahagi ng dagat ng Pilipinas.”

“Alam ko po iyon, Mam Miranda. Saan nga po tayo papunta?”

“Sa bayan na pinanggalingan ko, bago ako napadpad sa Maynila, Simon.”

“Ano po ang ngalan?”

“Maranding, sa Lanao Del Norte, pook ng aking kamusmusan.” Ngumiti si Miranda.

Kru-u-u-gg.

Inuga ang barko, biglang nawalan ng kuryente ang mga ilaw.

Tumigil ang makina.

Natigilan sina Miranda at Simon. Nagsigawan-tilian ang mga nerbiyosang pasahero, laluna ‘yung may mga karay na bata.

“Ayy, Ginoo!” “Eeeee!”

Iyakan ang mga musmos. “Waah! Waaah! Papaaa!”

Napakapit si Miranda sa kamay ni Simon. Nanlalamig ang katawan ng smuggling queen, sagad ang nerbiyos.

Tahimik si Simon. Kinapa ang dalawang lifevest.

“Isuot mo ito, Mam Miranda.”

“Kahit pa tayo nakasuot nito, Simon, pagtalon natin sa dagat ay kakainin tayo ng mga pating! Shark-infested ang lugar na ito!” sigaw ni Miranda, sabay ang luha.

“Mam Miranda, may Diyos na magpapasya ng ating kapalaran, nang ating final destination. Magtiwala tayo sa Kanya.” (ITUTULOY)

Show comments